Abante Tonite Interactive

LeBron effect?

367

Magandang araw mga ka-Tabloidista! Ako si Alec Paolo Ventocilla, ang inyong bagong lingkod tuwing Sabado na magbibigay ng mga balita na may kinalaman sa National Basketball Association o NBA.

Simulan natin sa na­kabibiglang balita na pagbaba sa puwesto ni Magic Johnson bilang President of basketball operations ng Los Angeles Lakers.

Inihayag ni 5x NBA champion Johnson ang pagre-resign bago pa man ang hu­ling laro ng Lakers nitong 73rd o 2018-19 season.

Ang Lakers franchise ang naging crowd favo­rite sa pagsisimula ng season dahil sa pag-recruit ni Johnson kay former Cavaliers superstar LeBron James. Matinding twist ang naganap sa Lakers dahil bago ma-injure si LeBron noong Christmas Day, ang kanyang koponan ay nasa 4th seed ng Western Conference. Hanggang sa umalingawngaw ang mga balita sa pag-recruit kay New Orleans Pelicans star Anthony Davis, nagsunod-sunod ang talo ng Lakers at ngayon nga’y laglag o wala sa playoffs.

Ang tanong ngayon, na-LeBron effect nga ba si Johnson? Nakilala ang tinatawag na LeBron effect dahil sa sinasabing pagkontrol ni LeBron sa isang franchise, na kung sino ang gusto niyang makuhang player o mapatanggal sa coaching staff ay nasusunod.

Sa pag-alis ni Johnson, liliit nga ba ang tsansa ni LeBron na mag-uwi ng tropeo sa Lakers? Maaari kasing mahirapan mag-recruit ng ibang star at bumuo ng championship team ang Lakers dahil sa paglisan ni Johnson. Aalis din ba si LeBron? Matatandaang pumirma ito ng one-year contract sa Cleveland upang ma-pressure ang mga ito.

Hindi maiaalis sa senaryo ang pag-request din ng trade ni Lakers superstar LeBron dahil bukod sa nagkakaedad na at ang gusto na lang nito ay manalo ng championship, si Johnson din ang isang dahilan kung bakit siya pumirma sa Lakers. Si Johnson ang nanguna sa mga negosasyon para sa trade kay Anthony Davis, na kahit karamihan ng Lakers roster ay inialok na nito.
Ano na ang sunod para kay James?

***
Sigaw ng maraming Lakers fan, “Kobe Bryant for Team President!” Wala mang experience sa front office, tingin ng mga fan ay ‘swak’ si Bryant sa pagiging Team President.

Isang dahilan din kung bakit swak ito ay dahil makakasama niya rito ang kanyang dating agent at General Manager ng Los Angeles Lakers ngayon na si Rob Pelinka. Ngunit sinabi ni Bryant sa isang podcast na ayaw na niya ng basketball related na trabaho. Ating abangan at malay natin, magbago ang isip ni Bryant, ‘di ba?

***
Simula na nga bukas ang NBA playoffs at siguradong nag-aabang na ang mga basketball fan sa kanilang mga idolo at team. Ibinuhos nga ng Oklahoma City Thunder ang lahat sa kanilang last game ng season laban sa kulang-kulang na Milwaukee Bucks upang mapuwesto sa No. 6 seed ng Western Conference.

Ipinagpahinga na ng Bucks ang kanilang star player na si Giannis Antetokounmpo at iba pang starter kaya naman sinamantala na ito ng Thunder at kailangan maipanalo ang laro para makaiwas sa No. 1 Golden State Warriors sa 1st round ng playoffs.

Makakaharap nila ang No. 3 Portland Trail Blazers at mas malaki ang tsansa ng Thunder dahil na-injure kamakailan ang big man ng Blazers na si Jusuf Nurkic.

Isa sa gumulat sa mga fan ay ang Brooklyn Nets. Pinatunayan ni D’Angelo Russell ang sarili sa mga kritiko na kumuwestiyon pa sa kanyang pagkakabilang sa All-Star. Siguradong dikdikan ang labanan ng Nets at Philadelphia 76ers ngunit ang prediksyon ay mananalo ang 76ers dahil walang pipigil kay big man superstar Joel Embiid.

Ang inyong lingkod ay wala munang papanigan ngayon dahil laglag ang aking idolo na si LeBron James. Good luck sa inyong mga team at idolo!

***
Maraming salamat sa dalawa naming boss na sina Sir Spy at Sir Gil sa pagbibigay ng tsansa sa akin na makapagsulat dito sa ating pahayagan, at sa dalawa naming sports editor na sina Sir Ferdz at Sir Ramil sa pagtitiwala. Patuloy niyo rin pong suportahan ang online show ng Abante, ang Sportalakan, tuwing Martes alas-sais nang gabi sa Abante News Online. Maraming salamat!