Lebron piyesta sa slam dunk

NAGPIYESTA sa slam dunk ang 17-anyos na si Francis “Lebron” Lopez sa pangunguna nito sa Gilas Pilipinas na iuwi ang ikalawang sunod na panalo sa pagbibigay leksiyon sa Cambodia, 100-32, sa pagpapatuloy ng basketball event ng 31st Souteast Asian Games sa Thanh Tri Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.
Nagtala si Lopez ng kabuuang 17 puntos kasama ang 5 rebounds, 1 assist, 1 steal at 2 blocks sa 26 minuto nitong paglalaro sa dominanteng panalo ng Gilas matapos ang nakakakaba nitong unang panalo kontra sa Thailand.
Nilimitahan ng Gilas sa single digit na pag-iskor lamang ang Cambodia sa apat na yugto sa 9, 8, 6 at 9 habang nagtala ito ng 32, 25, 14 at 29 upang manatili sa liderato ng best record format na magwawagi sa gintong medalya.

Tumulong si William Navarro na may 16 puntos, 7 rebounds, 2 assist, 1 steal at 1 block habang ang pumalit kay Kevin Alas na si Jaydee Tungcab ay nagtala ng 14 puntos, 2 rebounds, 2 assists at 5 steals.
Nagtala din si Isaac Go ng 13 puntos, 12 rebounds, 2 assiists at 1 steal habang si Matthrew Wright na sinimulan ang manit na shooting ng koponan ay may 10 puntos, 2 rebounds, 2 assists at 1 steal tungo sa 68 puntos na panalo.
Sunod na makakasagupa ng Gilas ang Singapore Miyerkoles, Mayo 18. (Lito Oredo)