Abante Tonite Interactive

Leni absent din sa EDSA anniversary

By
1,031

Hindi dadalo sina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa selebrasyon ng ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Quezon City.

Magpapahinga lang si Pangulong Duterte sa Davao City, habang si VP Robredo ay sa Naga City na lamang gugunitain ang anibersaryo ng bloodless revolution noong 1986.

Dadalo si Robredo sa isang misa ngayong alas-otso ng umaga sa St. Jude Thaddeus Parish Church, Concepcion Grande, Naga City.

Abante Hiring – IT dep

Susundan ito ng candle-lighting ceremony at isang feeding program.

Hinimok rin nito ng mga dadalo sa banal na misa na magsuot ng kulay puting kasuotan bilang simbolo ng pagkakaisa.
“Simple lang itong selebrasyon, pero ang ginagawa natin, ayaw nating makalimutan iyong aral ng EDSA. Tingin ko kasi, mahalaga ito hindi lang para i-celebrate iyong nangyari lang, pero para alalahanin iyong mga aral,” ayon kay Robredo.

Dagdag pa ni Robredo, “Ito ay pagdiriwang ng buong kuwento ng EDSA, na ito’y pagkilos ‘di lang ng mga taga-Maynila, kundi ng mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa.”

Kaugnay nito, magpapadala naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng kanilang tauhan upang magbantay sa mga sasali sa gagawing programa ngayong araw sa People Power National Monument (PPNM) sa EDSA.

Sinabi ni AFP Public Affairs Office Col. Emmanuel Garcia, tatlong Civil Disturbance Management, dalawang Explosive Ordnance Division (EOD), at dalawang K9 teams ang ide-deploy nila sa PPNM sa Quezon City para tumulong sa Philippine National Police sa pagbibigay ng seguridad.

Bukod dito, may apat na ambulance-medic teams rin ang naka-standby para magbigay ng medical treatment.
Ayon naman kay AFP Spokesperson Brigader Ge­neral Bienvenido Datuin na 300 sundalo ang makikiisa sa traditional salubungan ngayon.