Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Leni-Kiko kinuyog sa nilaglag na Senate bet

0 178

Kinuwestiyon ng ilang personalidad at grupo sa hanay ng oposisyon kung bakit hindi isinama si dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares sa listahan ng mga kandidato sa pagka-senador ng tambalang Vice President Leni Robredo at Senador Francis `Kiko’ Pangilinan para sa 2022 elections.

Panis ang senatorial lineup ni Robredo sa pananaw ng isang grupo ng mga mangingisda dahil mas maraming mga trapo umano ang nasa listahan kaysa mga taong kumakatawan sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Tanong ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya o Pamalakaya, ano ba umano ang nangyari sa plano ng kampo ni Robredo na pagbuklurin ang mga taong pumapalag sa administrasyong Duterte at lumalaban sa pagbalik ng mga Marcos sa Malacañang.

Hinamon ng grupo si Robredo na ipaliwanag kung paano niya pinili ang kanyang mga senatoriable at ano ang ginamit na panukat sa pagpili sa kanila dahil pumangalawa pa umano si Colmenares sa internal survey na ginawa ng 1Sambayan.

Nagtataka rin si Renato Reyes, secretary general ng grupong Bayan, kung bakit initsapuwera si Colmenares na kumakatawan sa marginalized sector at pumangalawa sa internal survey ng 1Sambayan na siyang nag-endorso kay Robredo sa pagka-pangulo.

SM food to go Banner Ad

“In any case, we have not lost hope that unity can be achieved and Duterte and Marcos will be defeated,” ani Reyes.

Ipinahayag naman ng Makabayan block na iginagalang nila ang desisyon ni Robredo sa pagpili ng mga kandidato sa pagka-senador.

Subalit nakasaad sa pahayag na patuloy at mananatiling nakasentro ang kanilang hangarin at adhikain sa pagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng taumbayan lalo na ang mga mahihirap.

Inihayag din ng Makabayan bloc na hindi pa sila nagdedeklara ng susuportahang kandidato sa pagka-pangulo at sinabing handa silang makipag-usap sa “democratic forces” kaugnay ng 2022 elections.

Samantala, sa pagharap sa media pinaliwanag ni Robredo na matagal na niyang gusto pagsama-samahin ang mga kandidato na iba-iba ang paniniwala at background.

“Actually `yong mga pinili nating guest candidates they were among the very first who responded to our call for unity, na kahit maraming pinagdaanan sa ating kasaysayan na hindi nagkakaisa,” sabi ni Robredo. (Eileen Mencias/Issa Santiago/Billy Begas/Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.