Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Leni nalula sa DPWH budget

0 80

Sinita ni Vice President Leni Robredo ang pagbibigay ng prayoridad sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na dinagdagan pa sa panukalang 2022 national budget sa gitna ng nararanasang pandemya sa COVID-19.

Sa kanyang lingguhang programa sa radyo nitong Linggo, sinabi ni Robredo na sang-ayon ito na magbibigay ng maraming trabaho ang Build, Build, Build project ng pamahalaan subalit hindi naman aniya napapanahon ang paglaan ng karagdagang pondo sa DPWH ngayong nasa sitwasyon pa ng pandemya ang bansa.

“Halimbawa, ang laki ng itinaas ng DPWH [budget]. Ako naiintindihan ko na mahalaga `yong infrastructure pero sa sitwasyon ngayon na kailangan nga ang pinakaginagawa ngayon [ay] makontrol ang pandemic, wala rin,” sabi ni Robredo.

Sa kabila umano nito ay binawasan naman ang budget ng Department of Health (DOH).

“Ang sa akin, ang solusyon diyan, hindi bawasan ng budget pero maghanap ng ibang puwedeng makatulong mag-implement kasi kung ang problema masyadong swamped, hindi magamit ang pera, eh `di hanapan ng paraan. Kaya may IATF (Inter-Agency Task Force) kasi ito ang convergence ng lahat ng departments,” giit ni Robredo.

“Kapag hindi pandemic maintindihan natin pero dahil pandemic, it doesn’t makes sense. Pero kung ganito kataas ang kaso [ng COVID] tapos iyan ang ibinibigay `yong priority parang mali,” sabi pa ni Robredo.

Batay sa datos ng Department of Budget and Management (DBM), parehong nasa `Top 10 Departments’ ang DPWH at DOH sa mga pinaglaanan ng malaking pondo para sa 2021.

Binigyan ang DPWH ng PhP695.7 bilyon habang ang DOH ay nakatanggap ng P210.2 bilyon.

Sa ilalim naman ng panukalang P5 trillion budget para sa 2022 ay P686.1 bilyon ang inilaan para sa DPWH habang P242 bilyon sa DOH. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.