Abante Tonite Interactive

Leni-Rey nauwi sa hiwalayan

1,857

NI ASTER A. AMOYO

Nabuo ang tambalan nina Leni Santos at Rey ­Abellana sa soap opera na “Annaliza”. Parehong tumatak sila sa mga televiewer. Hindi na rin nawala kay Rey ang character niya ­bilang si PJ. Hanggang ngayon ay dala-dala pa rin niya.

Bago ang “Mara Clara” nina Judy Ann Santos at Gladys Reyes ng 90’s , si Leni muna ang namayagpag bilang si Arlene. Siya ang primera contrabida noon sa cha­racter ni Julie Vega sa ‘­Annaliza’.

Ang teleseryeng “Annaliza” nu’ng dekada otsenta ay tumagal sa ere ng mahigit limang taon. Ito’y dinirek ni Gil Soriano sa ilalim ng GMA.

Tinampukan din ito nina Alicia Alonzo, Daria Ramirez, ang yumaong si Augusto Victa, Robert Arevalo, Renato del Prado, Albert Martinez, ­Edgar Mande, Melissa Mendez, Roderick Paulate at Gloria Romero.

For sometime, sumikat ang love team nina Leni at Rey. Ilang beses din silang nagkasama sa ilan pang teleserye at maging sa pelikula. Pero tulad ng ibang magka-love team, hindi nauwi sa totohanan ang kanilang tambalan. Nabuwag din ang tambalan nila.

Sila’y nakapag-asawa ng iba. Si Leni ay kay ­Jeffrey Salvador, younger brother ni Jobelle Salvador. Si Rey naman ay nakatuluyan ang ina ni Carla Abellana na si Rea Reyes. Pero pareho ring nauwi sa hiwalayan.

Pinigilang umuwi sa ‘Pinas

Taong 2003 nang tumulak patungong Las Vegas, Nevada, USA si Leni. Ihahatid niya ang dalawang anak nila ni Jeffrey na sina Nikka at Jappy. At that time ay ginagawa pa ni Leni sa Kapamilya network ang teleseryeng “Sa Puso Ko Iingatan Ka” nina Judy Ann Santos at Piolo Pascual. Nagpaalam lamang siya sandali para ihatid ang kanyang mga supling. Pero hindi na umano siya pinayagan ni Jeffrey na bumalik ng Pilipinas. Maliliit pa noon ang mga bata at kailangan siya ng mga ito.

Anumang gawin ng mga taga-production ng “Sa Puso Ko ­Iingatan Ka” na bumalik si Leni ay nabalewala dahil pinigilan siya ng dating asawa.

Magmula noon ay namalagi na sa Las Vegas si Leni at ang kanyang pamilya. Pero pagkalipas ng ilang taon ay nagkahiwalay sila ni Jeffrey. Si Leni na ang nag-alaga at nagpalaki sa kanyang dalawang anak.

Since nakakarating sa Amerika ang mga programa ng ABS-CBN maging ng GMA, updated si Leni sa mga kaganapan dito sa Pilipinas lalo na sa showbiz.

Hindi niya ikinakaila na sa unang taon umano niya sa Amerika ay hindi niya naiwasan ang ma-miss ang showbiz na halos kinalakihan na niya. Pero pagkaraan ng ilang taon ay nasanay na rin siya lalo na nang magsimula siyang magtrabaho roon.

“Ibang-iba ang buhay dito sa Amerika,” pahayag niya nang kami ay magkita sa Las Vegas nu’ng isang taon.

Balik-tambalan

In 2013 ay umuwi si Leni nang sumakabilang-buhay ang kanyang ina. Nu’ng 2014 ay nagbalik-showbiz siya sa pamamagitan ng “More Than Words” TV series ng GMA. Balik-tambalan nila ito ni PJ na tinampukan din ng dating magkasintahang Janine Gutierrez at Elmo Magalona. Nang matapos ang serye ay muling bumalik ng Las Vegas ang aktres.

“Mahirap kung maghihintay lamang ako ng magiging next assignment ko. May trabaho ako sa Vegas na iniwan ko kaya nang matapos ang serye muli akong bumalik ng Amerika,” aniya.

Bukas pa rin si Leni na tumanggap ng proyekto sa Pilipinas pero gusto niya lang malaman kung gaano siya katagal mawawala para maiayos din niya ang kanyang schedule sa Amerika.

Si Leni ay naging bahagi rin noon ng “Mara Clara” nina Judy Ann Santos at Gladys Reyes na tumagal din sa ere ng halos limang taon, 1992 to 1997.

Bukod sa iba’t ibang drama series na ginawa ni Leni, nakagawa rin siya ng mga pelikula tulad ng “Espadang Patpat,” “Condemned,” “Carnap King,” “The Fatima Buen Story,” “Galawgaw,” “Babaeng Hampaslupa” at iba pa.

May bagong dyowa

Matapos silang magkahiwalay ng kanyang ex-husband na si Jeffrey, nagkaroon ng ibang karelasyon si Leni pero nagkahiwalay rin sila. Meron siyang bagong kasintahan nga­yon na isa ring Filipino na naka-base rin sa Amerika.

Ang panganay na anak ni Leni na si Nikka ay isa nang nurse habang ang kanyang bunso na si Jappy ay nasa US Air Force. Naka-assign sa US military base sa Japan.

May bago rin siyang love life na nagpapasaya sa kanya.

Maganda pa rin hanggang ngayon si Leni. Para lamang silang magkakapatid o magkaka­barkada kapag kasama niya ang kanyang dalawang anak.

Inamin din sa amin ni Leni na in good terms umano sila ng kanyang ex-husband na si ­Jeffrey na makailang-beses na ring nagkaroon ng iba’t ibang kare­lasyon.