Abante Tonite Interactive

Leni umaray kay Bongbong : Parang nagagamit niya ako

By
0 4,804

Pakiramdam ni Vice President Leni Robredo, ginagamit na lamang siya ni dating Senator Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa publisidad nito.

Ayon sa pangalawang pangulo, sa halip na bilisan na ang vote recount para sa tuluyan nang pagresolba sa election protest nito ay tila ginamit na umano ng dating senador ang isyu para sa sarili nitong publisidad.

“Parang nagagamit pa niya (Marcos) ako sa pag-promote niya ng kaniyang sarili na parang hindi naman tama,” ayon kay Robredo.

Una rito ay hinamon ni Marcos si Robredo na lumagda ng joint motion na mag-aatras sa lahat ng mga pending motions nito upang mapabilis ang recount ng election protest na kinasahan naman ni Robredo.

“Tingin ko ang records ang mag-sho-show… siya ‘yung nag-dare, we called ‘yung dare. Hinintay namin siya, hindi siya sumipot. Nu’ng hindi siya sumipot, finile na namin kahapon (Huwebes)”, dagdag ni Robredo.

Kamakalawa ay naghain ng mosyon sa Presidential Electoral Tribunal si Robredo para ikonsidera ang withdrawal o pag-atras sa lahat ng anumang pending motion na maaaring makapagpaaantala sa ballot recount proceedings kaugnay pa rin sa election protest ng dating senador.