Abante Tonite Interactive

Letran student kinidnap 10 ka-frat

1,030

Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Natio­nal Police-Anti Kidnapping Group (AKG) ang isang 19-anyos na ­college student na kinidnap umano ng kanyang mga kasamahan sa fraternity at ipi­natubos sa kanyang mga magulang sa halagang P30 milyon sa Tondo, Maynila.

Nalaman na ang biktima ay nakilalang si ­Denzhel Gomez, 19-an­yos, estudyante ng Collegio de San Juan de Letran (CSJL) sa Intramu­ros, Manila at residente ng Sampaloc, Maynila.

Sasampahan naman ng kasong kidnapping for ransom ang mga suspek na sina Jhulius Atabay (CSJL), Ferdinand dela Vega (CSJL), Ralph Emmanuel Camaya (CSJL) at Justine Mahipus (Saint Benilde), pawang mga college student ng iba’t ibang unibersidad, habang tinutugis pa ng mga awtoridad ang kanilang mga kasamahan na sina Eriek Candava (CSJL), Gabriel Rabi (Far Eastern University), Billy Rocillo (CSJL), Arvi Velasquez (Parañaque Flying School), Miguel Austria (CSJL), at Kim Pascua (CSJL), na pawang kasamahan umano sa ‘di tinukoy na fraternity ng biktima.

Abante Hiring – IT dep

Naganap umano ang insidente dakong alas-9:20 ng gabi noong Agosto 1, 2018 habang nag-aabang ng bus ang biktima at si Atabay sa may Lawton, sa Ermita, Maynila.

Nabatid na tinutukan ng baril ng mga kidnapper si Gomez, itinali ang kanyang mga kamay at bibig ng packa­ging tape at puwersahang isinakay sa isang van pero hindi nila ito ginawa kay Atabay na kalaunan ay kanilang pinalaya.

Dakong alas-nuwebe ng gabi nang tumawag si Atabay sa ama ng biktima na nagtaka naman dahil sa paiba-ibang pahayag ng una na nagboluntaryo pang siyang maghahatid ng ransom sa mga kidnapper na dahilan para humingi na ng tulong ang ama sa mga pulis.

Sa imbestigasyon, natukoy naman ng mga pulis na mastermind sa kidnapping si Atabay, kaya’t minonitor nila ang mga kilos nito, hanggang sa masundan sa bahay sa 285 Nava Street, Balut, Tondo, kung saan nila dinala at itinago si Gomez.

Dahil dito, sinala­kay ng mga awtoridad ang naturang tahanan, kung saan nila nasagip si ­Gomez, at naaresto ang apat na suspek, habang nananatili namang nakakalaya ang anim pang kasabwat.

Ayon kay Ka Kuen Chua, chairman ng Movement for Restoration of Peace and Order, ipinagtapat sa kanila ng biktima na dinala siya sa isang safehouse sa Tondo, kung saan may dalawang araw na nakapiring ang kanyang mata ng packaging tape maging ang kanyang ilong at tubig lamang ang pinakain.
Patuloy naman ang operasyon ng AKG para maaresto ang anim pang kasabwat sa pag-kidnap sa biktima.
Idinepensa naman ng mga naarestong suspek na bahagi lamang umano ng kanilang initiation rites ang ginawa kay Adrian.
Hindi naman pinaniwalaan ni Chua ang depensa ng mga suspek dahil ang kidnapping ay pinlano umanong mabuti at kung ito ay initiation rites, dapat ay hindi sila humingi ng P30 milyong ransom.
“I hope the government will take this seriously, pag-aralan mabuti, ipunin ang evidence and file a tight case against them para ma-avoid na maulit ito sa ibang estudyante,” ayon kay Chua.