Abante Tonite
Mabilis sa Balita

LGBTQI protektado na ng batas sa Maynila

0 377

Nitong nakalipas na Huwebes ay naisakatuparan namin sa Maynila ang aming pangako na bigyan ang lahat ng taga-lungsod ng patas na pagtrato, anuman ang kanilang tinatawag na ‘sexual preferences or identities’ at tiyakin na anumang bullying o harassment sa mga miyembro ng LGBTQI (lesbians, gays, bisexuals, transgender, queers and intersex) community ay walang lugar sa lungsod.

Kampanya pa lang ay paulit-ulit ko nang sinasabi at tinitiyak na kapag ako ay nabigyan ng pagkakataong maglingkod bilang alkalde, titiyakin kong magiging polisiya ng lungsod ang pagbibigay ng pantay-pantay na pagtingin, respeto at pagmamahal sa lahat ng taga-Maynila.

Bago ang pandemya, nakaplano na ito subalit, gaya ng marami pang ibang proyekto, ito ay naisantabi sandali dahil nga sa health emergency.

Sa wakas ay natupad na ang ating matagal nang plano, sa kasipagan at suporta ng aking mga katuwang na sina Vice Mayor Honey Lacuna, majority floorleader Joel Chua, president pro tempore Jong Isip at author-Councilor Joel Villanueva na tumulong upang maipasa ng konseho ang Ordinance 8695 o “Manila LGBTQI Protection Ordinance of 2020”. Sila, pati na sina Councilor at Liga ng mga Barangay president Lei Lacuna at Department of Tourism, Culture and the Arts-Manila (DTCAM) chief Charlie Dungo na kapwa miyembro ng nasabing komunidad ay naroon din para saksihan ang makasaysayang pagsasabatas ng naturang ordinansa.

Matapos maipasa ng konseho, agad kong pinirmahan ang ordinansa kaya’t ang pagbibigay-proteksyon laban sa anumang uri ng diskriminasyon dahil sa sexual orientation, gender identity, expression (SOGIE) ay isa nang polisiya— isang lokal na batas na dapat sundin sa lngsod. Pinarurusahan din ang sinumang lalabag nito.

Dahil nga batas na ngayon ang ordinansa at ipatutupad sa buong lungsod, wala nang LGBTQI ang kinakailangang magdusa sa diskriminasyon sa trabaho, paaralan o educational institutions at maging sa social media platforms. Ito ay alinsunod sa polisiya ng pamahalaang-lokal na maging ‘inclusive’ o akapin ang lahat. Ayaw din namin sa anumang uri ng ‘bullying’.

Bawat barangay ay kailangan nang maglagay ng LGBTQI Desk na siyang tatanggap at aaksyon sa mga reklamo at mangangalaga sa mga karapatan at interes ng naaping LGBTQI community member. Idodokumento din ang mga insidente ng physical, emotional o psychological abuses.

Sa loob ng tatlong taon mula sa pagpasa ng ordinance, kailangang magkaroon ng ‘gender- neutral toilets’ sa mga restaurants, bars, stores, movies houses, shopping malls at iba pang katulad na business establishments na bukas sa general public, para magamit ng mga miyembro ng LGBTQI community. Hindi makakapag-renew ng business permit kapag hindi natupad ang kondisyong ito.

Para naman sa malalaking establishments na may banyo kada palapag, dapat ay may tukoy na palapag kung saan matatagpuan ang ‘gender neutral toilets.’

SM food to go Banner Ad

Sinumang LGBTQI na biktima ng diskriminasyon ay maaring magreklamo sa barangay chairman na nakasasakop sa kung saan siya nakatira. Kung sa workplace, schools, universities at iba pang establishment naman nangyari ang paglabag sa ordinansa, maaring magreklamo sa nakasasakop na barangay.

Upang bigyang-ngipin ang bagong batas at matiyak na ito ay masusunod talaga, may mga naghihintay ding parusa—multang di bababa sa P 1,000 o pagkakulong mula anim na buwan o pareho depende sa korte, para sa first offense; mula anim na buwan at isang araw hanggang walong buwan na pagkakulong para sa second offense at pagkakulong na walong buwan at isang araw hanggang isang taon para sa third offense. Ang mga susunod pang paglapag ay parurusahan ng isang taong pagkakulong at multang P5,000.

Ako ay nalulugod na nakagawa na naman ng kasaysayan sa Maynila. Ito ang unang pagkakataon na ang local legislative body at local chief executive ay magkasamang kinilala ang kahalagahan at kontribusyon ng ating LGBT community sa lipunan.

Sa ganang akin, ang LGBTQI ay palagian nang may mahalagang papel sa aking tanggapan at buhay. Kasama sila sa mga tumulong upang ako ay makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay sa akin ng pagkakataong maging bahagi ng showbusiness, partikular na sa mga panahong ako ay nasa“That’s Entertainment.”

Nang ako ay mahalal bilang konsehal, vice mayor at ngayon bilang mayor at maging nang ako ay maitalaga ng Pangulo sa national agencies at GOCCs, lagi nang nariyan ang suporta sa akin ng LGBT community.

Ngayon, mananagot na ýung mga mababaw ang tingin sa ating mga LGBTQI at ito ay hindi kukunsitihin kahit na kelan.

Lahat tayo ay pantay-pantay sa lahat ng aspeto at ang ganitong sitwasyon ay mananatili hanggat ang inyong lingkod ang alkalde sa lungsod. And you can take that to the bank!

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***

Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.