Abante Tonite
Mabilis sa Balita

LGU kalampagin sa bakuna rollout

0 76

Matumal pa rin ang rollout ng booster shot kontra COVID sa ilang bahagi ng bansa.

Isa sa nakikita nating rason nito ay ang mahinang information dissemination ng Department of Health (DOH).

Hindi natin sinisisi ang DOH sa puntong ito dahil maaring sagad na ito sa problema pero mayroon naman itong mga tauhan sa local level na dapat nilang pinakikilos.

Ang mga nasa local level ng DOH naman ay dapat makipag-ugnayan sa mga local executive para ilarga ang pagbabakuna sa mga wala pang turok at kailangan ng booster shot.

Nakapanghihinayang kasi ang dami ng bakunang mapapaso ngayong Hunyo.

Batay sa record ng National Vaccination Operations Center (NVOC) nasa dalawang milyong bakuna ang mapapaso ngayong buwan.

Kasama rito ang Pfizer vaccines na nakatakdang mag-expire sa susunod na tatlong buwan pero na-extend ang bisa ng panibagong tatlong buwan kaya maari pang magamit.

Kailangang buhayin muli ang pagtutulungan ng national at local government sa pagbabakuna lalo na’t muli na namang tumataas ang kaso ng COVID sa bansa bukod pa sa mga na-detect na mga Omicron variant na sa pinakahuling ulat ay umakyat na sa 43 kaso.

Hindi na maawat ang paglabas ng mga tao at pagbabalik-eskuwela kaya dapat ay magdoble kayod ang mga kinauukulan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng pagbabakuna.

Gaya ng ginawa noong kasagsagan ng COVID ay dapat na muling pag-ibayuhin ng DOH at mga LGUs ang pagtakda ng mga lugar ng pagdadausan ng bakuna para masiguro ang proteksiyon nating lahat lalo na sa mga naglalabasang variant ng COVID.

Leave A Reply

Your email address will not be published.