Abante Tonite Interactive

LGU na apektado sa Taal lumantad – DILG

373

Pinalalantad at dapat laging present ang mga mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa mga lugar na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal para sa kanilang mga constituent anumang oras.

Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III, mahalaga ang presensiya ng mga alkalde, bise alkalde, mga konsehal, at maging ng mga barangay official, sa kanilang mga nasasakupan upang mabilis na matulungan ang mga nangangailangang residente sa kanilang lugar.

Panawagan ng DILG sa mga alkalde na huwag umalis sa kanilang nasasakupang lugar at huwag iwanan ang kanilang hurisdiksiyon na apektado ng pagsabog ng bulkan upang personal na mapamunuan ang pagtulong sa kanilang mamamayan.

Samantala, ang mga local official naman na wala sa bansa o nasa out-of town ay pinayuhan naman ni Densing na agad nang bumalik sa kanilang nasasakupan sa lalong madaling panahon upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang constituents.

Ang mga mayroon naman aniyang travel order at paalis pa lamang ay mabuting kanselahin na ito at ipagpaliban na lamang ang kanilang biyahe.

Matatandaang nitong Linggo ng hapon, Enero 12, nagkaroon ng biglaang pagsabog ang Bulkang Taal kaya libu-libong residente na naninirahan sa paligid ng bulkan ang pinalikas upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito. (Dolly B. Cabreza)