Abante Tonite Interactive

Libo-libong seaman mawawalan ng trabaho

0 834

Nanganganib na mawalan ng trabaho ang libo-libong seafa­rer matapos madiskubre na 61 maritime school sa bansa ay bigong sumunod sa itinakdang regulasyon ng Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW) Convention.

Natuklasan ito sa pakikipagpulong ni Marino Party-list First Rep. Sandro L. Gonzalez sa Maritime Industry Authority (Marina) na kung saan ayon sa report ng natu­rang tanggapan ay nakasaad na 61 mula sa kabuuang 91 maritime school sa bansa ang ini­rekomendang ipa­sara dahil sa non-compliance sa itinakdang standards ng STCW Convention, na sumasakalaw sa maritime education, training, at certification.

Ayon sa kongresista, ang Pilipinas ay kasalukuyang isinailalim sa audit ng European Maritime Safety Agency (EMSA) para sa STCW compliance, at oras na ito’y madiskub­re, tiyak malalagay sa panganib ang trabaho ng libo-libong seafa­rer dahil maaaring hindi na kilalanin at tanggapin ng European Union ang certificate ng Filipino seafarer.

Naniniwala si Gonzalez na ang Commission on Higher Education at Marina ang may responsibilidad sa mga maritime school alinsunod sa Executive Order No. 63, series of 2018. (Eralyn Prado)