Abante Tonite Interactive

Libreng angkas

0 515

Sa mga estudyante ng Far Eastern University-Manila campus na naiipit sa heavy traffic o kaya’y stranded dahil walang masakyan, worry no more dahil may libre ka ng sakay!

Sinimulan ng FEU Riders Organization ang ideya ng charity ride noong isang taon. Proud ako dahil isa sa proponents nito ang Communication student ko ngayong semester na si Christopher Blanco. Kasama niya sa programang ito ang Pyschology student na si Kenneth Mangilinan na tumatayong presi­dente ng grupo.

Nagbigay ng libreng angkas sina Christopher noong naglunsad ng transport strike ang ilang grupo ng mga tsuper, pati na nitong sinuspinde ang operasyon ng LRT Line 2. Plano nila itong gawin on a regular basis.

Kailangan lang ng Tamaraws na maging updated sa Facebook page ng FEURO kung saan daw nila pino-post ang mga dadaanang ruta ng mahigit tatlumpung member-riders. Isine-share rin daw nila ang info sa group na One FEU Community.

Huwag mag-alala dahil sagot nila ang isusuot ninyong helmet! Sakaling umulan, may baon din silang kapote para sure na hindi mababasa ang aangkas na estudyante.

Aminado si Christopher, hindi madali ang sinimulan nilang proyekto. Kuwento niya, “Kinukuha namin ang funds galing sa sarili naming bud­get. We make sure na bago sumali sa amin ay alam na ng isang member na marami kaming nakasalang na project.”

On top of this charity ride, layon daw talaga nilang maturuan ang mga rider higit lalo ang kabataan ng tamang pagmomotorsiklo.

Hindi na kailangan ng datos. Alam naman nating madalas masangkot sa road crash ang mga motorcycle rider.

Hindi sa nilalahat ko pero maraming nagmomotorsiklo ang pasaway sa kalsada.

Pati pagsusuot ng helmet, kung minsa’y binabalewala pa. Sa madaling salita — wala silang sinasanto kahit pa batas-trapiko. Karaniwan na ring laman ng balita ngayon ang mga masasamang loob na guma­gamit ng motorsiklo sa paggawa ng krimen.

Ang mga negatibong imaheng ito sa pagmomotorsiklo ang nais mabura ng FEURO.

Katunayan, magkakaroon sila ng safety riding seminar kasama ang ilang matataas na opisyal ng PNP sa Disyembre. Bukod pa rito ang nakalinya nilang medical mission at feeding program sa isang bahay ampunan sa Sta. Mesa, Maynila.

Ang sa akin lang, kapuri-puri ang inisyatibong ito mula sa ilang FEU students. Sana lahat ng kabataa’y may adhikaing makatulong sa kanilang kapwa.