Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Libreng bakuna sa mga pribadong empleyado

0 272

Tiniyak kahapon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi dapat singilin ang mga manggagawang pababakunahan ng kanilang mga kompanya kontra COVID-19.

Hindi rin dapat pilitin at mabilad sa diskriminasyon ang mga manggagawa na ayaw paturok ng bakuna, sabi ng DOLE.

Ayon sa labor advisory na inilabas ni Secretary Silvestre Bello III, maaaring bumili ng suplay ng bakuna kontra COVID-19, serbisyo at iba pa ang mga kompanya para sa kanilang mga manggagawa.

Maaari ring humiling ang mga ito ng suporta mula sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan para sa pagbili, pagtatago, transportasyon, pagtatalaga at pagturok ng mga COVID-19 vaccines.

Subalit libre at hindi gagastos ang mga manggagawa para mabakunahan sila.

“No cost of vaccination in the workplace shall be charged against or passed on, directly or indirectly to the employees,” ayon sa guideline ng DOLE.

Samantala, sinabi rin ng DOLE na hindi rin dapat personalin at makaapekto sa trabaho, promotion, training at mga insentibo ng mga empleyadong tatangging magpabakuna.

Sa kabila nito, hinihikayat naman ang mga employer na himukin ang kanilang mga empleyado na magpabakuna.

Nauna nang idiniin ng DOLE na iligal ang “no vaccination, no work” policy sa hanay ng mga manggagawa. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.