Abante Tonite Interactive

Libreng disenyo ng disinfection booth

0 861

Sa panahon ng krisis, lumilitaw ang dalawang uri ng tao: ang tumutulong at ang nagsasamantala.

Isang team ng data scientists, contractors at designers sa pangunguna ni Pierre Luigi Legislador, presidente ng Volstrov Builders, ang nagdisenyo ng isang Disinfection Booth na nais nilang ibahagi ng libre sa mga gagawa nito.

“Walang bayad ang blueprint ng design, basta’t ang magpo-produce nito ay mangangakong gagawa, hindi lang para sa kanila, kung hindi magdo-donate din para sa local government o sa Department of Health,” ayon kay Legislador.

“The design is now patent pending in the hopes that this booth will not be used for profit and will never be commercialized. We know that this is going to be needed not just now but in the near future as well. This design is FREE and will be FOREVER FREE,” ang pangako ni Legislador.

Ang disinfection booth ay tila isang malaking kahon na parang elevator car na may mga buton sa labas. Pipindutin ng taong papasok ang buton para lumabas ang disinfectant sa mga gilid nito. Ang disinfectant ay hindi delikado sa tao, batay sa paniniyak ng chemist na nasa kanilang team at gumagawa ngayon ng natural disinfectant.

Mayroon din itong UV light na papatay sa virus at bacteria sa loob ng booth makaraang dumaan ang isang tao.

Maaari nitong ma-disinfect ang damit ng may suot, pati na rin ang buhok, kamay at iba pang parte ng katawan ng taong maaaring na-expose sa virus.

Maiiwasan nito ang pagkalat ng virus kapag ang isang tao ay naglabas-masok sa isang gusali, lalo na sa ospital.

Naniniwala si Legislador na ito ay isang susi para maiwasan ang pagkalat ng Covid-19 at iba pang viruses at bacteria sa ating paligid. Kung may magsisimula nang gumawa nito sa kanilang sariling establishment tulad ng mga pribadong ospital, terminal, supermarket at mall, at gagawa naman sila para sa local government o sa pampublikong ospital, tiyak na mapipigilan ang mabilis na pagkalat ng Covid-19 sa bansa.

Sa mga nagnanais na makuha ang blueprint ng disenyo, mag-email lang sa design@volstrov.com.