Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Libreng drive-thru Covid testing center, para sa lahat

0 603

Napakabilis ng panahon. Naka-isang taon na po tayo bilang kolumnista at muli, nagpapasalamat ako sa pamunuan at mga staff na bumubuo ng pahayagang ito, para sa kanilang ipinagkaloob na tiwala sa atin, at sa mga giliw naming mambabasa, sa kanilang patuloy na pagtangkilik at suporta.

Mula sa kaibuturan ng aking puso, maraming salamat po sa inyong lahat.

***

Buong kababang-loob akong humihingi ng paumanhin sa mga naapektuhan ng traffic na nilikha ng pagdagsa mg mga motoristang kinuha ang pagkakataon para sa libreng drive-thru COVID testing na aming inilunsad nitong nakaraang Hulyo 15.

Ang tagumpay ng center na ito at ang sobrang interes na ipinakita ng publiko mula sa Maynila at mga karatig-lungsod ay nakapagbigay sa atin ng inspirasyon upang higit nating pagbutihin ang proyekto at nang mas marami pa itong mapagsilbihan.

Matapos naming makipag-ugnayan sa National Parks Development Committee, masaya kong ibinabalita na mas marami pang kaparehong drive-thru centers na nagbibigay ng libreng COVID testing ang nakatakda naming buksan sa mas malawak na lugar, partikular na sa Independence Road sa harapan ng Quirino Grandstand sa Luneta.

Inaasahan natin na mas madami pang mate-test nang libre at mapaluluwag nito ang traffic sa may harapan ng Bonifacio Shrine kung saan natin inilagay an gating unang drive-thru center.

Sa Luneta, magkakaroon tayo ng hiwalay na pila para sa mga sasakyang apat ang gulong, dalawa ang gulong at maging sa mga hindi de motor gaya ng kuliglig at pedicab.

Paano ba ang sistema? Sinumang interesadong motorista ay maaring magtungo sa drive-thru center, magprisinta ng valid identification card, mas maganda kung government ID at mag-fill out ng form. Tiyakin lang na totoo ang lahat ng impormasyong ilalagay at tama ang contact details.

Matapos nito, isang medical personnel ang lalapit sa motorista upang kumuha ng blood sample. Ang buong proseso ay matatapos sa loob ng wala pang limang minute lamang. Sa loob naman ng 24 oras, ang resulta ay maari nang malaman at ang motorista ay sasabihan sa pamamagitan ng contact details na kanyang inilagay sa form. Lahat ay ‘confidential’.

Kung mag-negatibo ang resulta, mabuti. Ngayon, kung positive naman, siya ay tatawagan ng isang medical professional na siya ding magbibigay sa kanya ng mga payo kung anu-ano ang mga hakbang na dapat niyang gawin.

Ang ating drive-thru test ay hindi gaya ng ordinaryong rapid tests na may tinatawag na ‘false positive’ o ‘false negative’ na resulta. Ang ginagamit natin ay bagong-biling makina na ‘Architect plus i1000 SR’ gawa ng Abbott Laboratories. Ito ay may 99.6 specificity at 100 percent sensitivity, kung saan wala na ang ’false negative’ at ‘false positive’ results na kadalasang dala ng paggamit ng rapid test kits.

Ang desisyon na buksan ang drive-thru COVID-19 tests sa mga hindi taga-Maynila at non-motorized vehicles ay naglalayon naman na bigyan ng pagkakataon na makinabang ang lahat ng nangangailangan nito.

Ang pandemya ay isang pandaigdigang problema. Ang mga namumuno sa local government units ay dapat na magtulungan tungo sa iisang direksyon dahil ang aming mga pinamumunuang lungsod ay magkakadugtong-dugtong, kung tutuusin.
Nais din namin na maging ‘inclusive’ at kung maaring makinabang ang ibang bayan, bakit ang hindi? Ang gusto lang naman namin ay ‘’yung mga naninirahan, nagta-trabaho , dumaraan o nagne-negosyo sa Maynila ay makaramdam ng kumpiyansa na sila ay ligtas at malusog, gayundin, maging responsable sa kapwa sa pamamagitan ng pagtiyak na sila ay walang sakit o di kaya ay nagsasalin ng virus nang hindi nila alam.
Ang libreng drive-thru tests ay bukas mula 8 a.m. hanggang 5 p.m., Lunes hanggang Biyernes at mga ekspertong medical personnel ang nagsasagawa nito.
Maaring magpa-test ýung mga nagkaroon ng ‘exposure’ sa COVID carriers maaring sa kanilang opisina, komunidad o tahanan; mga may flu-like symptoms lalo na kapag nawawalan ng panlasa, o maging kung gust lang ng isang tao na magkaroon ng ‘peace of mind’ o dumaranas ng ‘COVID anxiety’ o ‘fatigue’.
Hindi maikakaila na marami ang napa-praning sa mga panahong ito. Sa records nga sa paglunsad ng drive-thru test, mula sa 235 na motorista ay 209 sa mga ito ang nagpahayag ng ‘’peace of mind’ bilang dahilan kung kaya sila nagpa-test.

Ang pagdagsa ng mga motorista para sa libreng drive-thru test nang buksan ito sa mga taga-ibang lungsod ay malinaw na indikasyon na marami talaga ang gustong magpa-test pero walang pera para dito o takot magtungo sa mga ospital na karamihan ay puno na din ng COVID patients.

Sa Maynila, pareho din ang hinaharap na problema ng aming quarantine facilities at mga ospital, kung kaya’t walang-sawa at paulit-ulit akong nananawagan sa mga residente na sundin ang mga itinakdang pag-iingat gaya ng palagiang pagsusuot ng face masks, paghuhugas o pag-sanitize ng mga kamay, pagsunod sa tamang ‘physical distancing’ at higit sa lahat, pananatili sa bahay hangga’t maari. Ang pakikiisa ng lahat ang susi para mapagtagumpayan natin ang paglaban sa nakamamatay na virus.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.