Abante Tonite Interactive

Libreng gamot para sa mahihirap, asan na?

0 211

Aileen Taliping

Masarap pakinggan na ang gobyerno ay nagbibigay na ng libreng gamot para sa mga mahihirap na pasyenteng walang kakayahan bumili at magbayad ng gamot para sa kanilang sakit.

Pero halos dalawang taon na matapos simulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang prog­ramang Libreng Gamot Para sa Masa (Lingap) Program para sa mga indigent o pinakamahihirap na mga Pilipinong may sakit, marami pa rin ang nagsasabing hindi sila makakuha ng eksaktong tulong. Bakit?

Marami kasing mga mamahaling gamot na inirereseta ang mga doktor na wala sa pharmacy ng mga pampublikong ospital na mayroong Lingap program kaya napipilitang maghagilap ang pamilya ng pas­yente ng perang pambili nito.
Noong 2017 ay nagbigay si Pangulong Rod­rigo Duterte ng isang bilyong piso sa DSWD para sa libreng gamot ng mga mahihirap pero hindi lahat ay nakatamasa nito.

Maraming dokumentong kailangang kompletuhin para maka-avail sa libreng gamot kaya naman ang ibang nangailangan ng libreng benepisyo ay hindi agad nagagamot dahil sa tagal ng proseso.

Bukod sa DSWD ay binibigyan din ng gobyerno ang Philippine General Hospital (PGH) ng 100 million pesos kada buwan na ang pondo ay nanggagaling sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) batay sa utos ng Presidente kaya dapat ay bastante ang supply ng gamot ng pagamutan.

Related Posts

Malayo ang marara­ting ng 100 milyong piso kada buwan para sa mga mahihirap na pas­yente ng PGH at marami ang madurugtungang buhay.

Pero ilang pamilya ng pasyente na may maselang sakit ang nahihirapan pa rin kahit may libreng gamot dahil sa ilang inireresetang mahal na gamot na kailangang bilhin. Ang katuwiran, wala sa pharmacy ng PGH ang mga ito kaya kailangang bilhin sa labas.

Paano kung walang-wala ang pasyente? Kaya nga nagbibigay ang gobyerno ng 100 million pesos kada buwan para matugunan ang pangangailangang medikal ng mahihirap na Pilipino.

Hindi ba puwedeng bilhin ang mga gamot na kailangan para sa mga malulubhang karamdaman para malubos-lubos ang tulong sa mga mahihirap na pasyente? Gusto ng Presidente na matulu­ngan ang mga pinakamahihirap na pasyente at hindi naman siguro malaking kabawasan sa 100 million pesos ang gamot para sa mga ito.

Hindi lahat ng mahigit 100 milyong Pi­lipino ay may sakit at nagpapagamot sa PGH kaya hindi naman siguro malaking kabawasan ito sa mga mahihirap na pasyenteng talagang may malulubhang sakit.

Kuwento ng isang inang nagpatingin sa PGH ang anak, sinabihan sila ng doktor na magdala pa rin ng extrang pera kahit bente mil para may maipambili sa mga ireresetang gamot na wala sa kanilang botika.

Nakapanlulumo pero ito ang katotohanan: kahit may libreng gamot na ipinangangalandakan ng gobyerno ay hindi malubos ang pagtulong dahil kaila­ngan pa ring gumastos ang isang kahig-isang tukang Pilipino. Kung walang pambili? Hintayin na lang ang ‘sundo’ ni kamatayan.