Abante Tonite Interactive

Libreng gamot sa Universal Health Care

By
101

Marami sa mga mambabatas ang nag-aabang sa nalalapit na pagsasabatas ng panukalang Universal Health Care (UHC).

Mala­king ginhawa kasi ito sa mamamayang Pilipino, lalo na sa mga maralita dahil sa magkakaroon na sila ng access sa health care coverage at services.

Sa nasabing panukala, magiging matik ang enrollment ng lahat ng mamamayan sa National Health Insu­rance Program.

Malilib­re ang bayarin sa consultation fees, laboratory test at iba pang pagsusuri kaya’t inaasahang malaking pera ang ga­gamitin dito upang maisakatuparan.

Ito ang panguna­hing hangarin ng Anakalusugan Party-list group – ang maayos na implementasyon ng UHC. Kahit mayroon na kasing batas, hindi naman ito nangangahulugan na lahat ng nakasulat dito ay maipatutupad. Marami sa mga batas ang hindi napapakinabangan dahil sa kakulangan ng sapat na pondo para sa implementasyon.

Pero ayon kay da­ting Quezon City Rep. Mike Defensor, tiyak na maipatutupad ang UHC dahil sa pondong ipapasok ng Philippine Cha­rity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). “Yung Universal Health Care na batas ipapasok ang mga pondo ng PCSO at PAGCOR. Sa dating P106B na kinolek­ta last year, madadagdagan pa halos ng P40B.” saad ni Defensor na siyang se­cond nominee ng Anaka­lusugan.

Related Posts

Umaasa itong hindi lang ang libreng check-up ang maipatutupad sa UHC kundi ang lib­reng maintenance ng mga may problema sa diabetes, alta presyon at iba pa. “Yung tinutulak namin na libreng checkup kada taon puwede talaga maimplementa. Kasabay dito yung pagtulak namin sa maintenance medicines,” dagdag ni Defensor.

Mahirap magkasa­kit lalo na sa mga taong dukha. Masakit ito sa bulsa lalo na kung barya lang ang laman o halos wala nang dudukutin. Kaya sana naman, maging maayos ang implementasyon nito lalo pa’t babantayan ito ng Anakalusugan Party-list group.

***

Tiyak na maraming driver ng mga pampasaherong jeep ang nagkakamot ng ulo ngayon dahil sa naging desisyon ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik sa P9 ang minimum na pasahe mula sa dating P10.

Gumastos na kasi sila ng higit P500 sa pagkuha ng fare matrix para makasingil ng dag­dag pasahe.

Noong Nobyembre 2 lamang itinaas sa P10 ang minimum fare sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon region pero nitong Disyembre 3, ibinalik ito sa P9. Kumbaga sa taste test, pinatikim lang ang mga driver, pinaglaway sa dagdag na kita.

Ilang buwan din ka­sing inipit ng LTFRB ang petisyon sa fare hike at kung kailan bumaba ang presyo ng petrol­yo, saka naman nagdesisyon na itaas ang pamasahe noong Nobyembre. Kailangan sigurong magkaroon ng pagbabago ng diskarte ang tanggapan ni Chairman Atty. Martin B. Delgra hinggil kung kailan dapat ibaba o itaas ang pamasahe upang hindi maging panis ang kanilang desisyon.