Abante Tonite Interactive

Libreng purga sa School: 1 patay, 7 naospital

1,173

Isang batang estudyante ang nasawi habang isinugod sa ospital ang pitong iba pa matapos uminom ng pampurga sa kanilang paaralan sa San Isidro Elementary School sa Surigao Del Norte kamakailan.

Kasunod naman nito ay pinatigil muna pansamantala ng Department of Health (DOH) region 13 ang pagsasailalim sa deworming sa mga estudyante sa lahat ng mga paaralan sa nasabing lugar.

Batay sa salaysay ng lola ng nasawing bata, limang oras matapos itong makainom ng pampapurgang tableta na sinasabing ‘Albendazole’ noong Hul­yo 23 ay idinaing ng kanyang apo ang pagkawala ng paningin nito at pananakit ng tiyan.

Isinugod naman ito agad sa pinakamalapit na ospital ngunit binawian ito ng buhay.

Paliwanag naman ng class adviser ng nasawing bata na si Thelda Paray, walang binanggit ang estudyante hinggil sa kanyang nararamdaman noong araw na pinainom ito ng pampurga bagama’t noong Hunyo aniya ay palagi itong dumadaing na sumasakit ang kanyang tiyan.

Kasalukuyan pang hinihintay ng DOH ang resulta ng imbestigasyon sa insidente at autopsy sa nasawing bata habang isinailalim na rin sa toxicity test ang ipinainom na gamot pampurga. (Mina Aquino)