Abante Tonite Interactive

Libreng sakay Cavite-Manila ferry simula ngayon

271

Magsisimula ngayong araw ang libreng sakay ng Manila-Cavite Ferry System na ini­lunsad ng Maritime Industry Authority (Marina), Department of Transportation (DOTr), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA) at lokal na pamahalaan para sa alternatibong paraan na ng transportasyon para sa mga galing at pabalik ng Cavi­te papuntang Maynila.

Ito ay matapos na pasinayaan ng mga opisyal ng DOTr at Marina ang nasabing sistema sa Cavite City Port Terminal.

Ayon sa DOTr Sec. Arthur Tugade, aabutin na lang ng 20 minuto ang dating mahigit dalawang oras na biyahe kapag sumakay ng ferry mula Cavite City Port Terminal patu­ngong Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex in Pasay City, at Liwasang Bonifacio terminal (Plaza Lawton) in Manila, at vice versa.

“Andito kami ngayon pagka’t hangarin namin na ilunsad at i-revive ang ferry operation ng Cavite. Itong operation ng Cavite ay matagal ding nawala, matagal ding nakalimutan, kaya sabi namin, umpisahan, buhayin, at itaguyod ulit ‘yung ferry operation ng Ca­vite,” ani Tugade.

Aniya, pagsapit ng Pebrero 1, depende sa rutang sasakyan, nasa P160 at P200 ang re­gular na pamasahe habang P128 at P160 para sa mga estudyante; P114 hanggang P143 sa senior citizens at Persons with disabilities (PWDs), P80 hanggang P125 naman sa para sa mga batang may edad apat hanggang labing isang taong gulang. (Dolly Cabreza)