Abante Tonite Interactive

Libreng sakay tuloy kahit walang transport strike

153

Ipinagpaliban man ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Ope­rators Nationwide (PISTON) ang kanilang da­lawang araw na transport strike, hindi­ na babawiin ng Land Transportation Franchising­ and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay nila ng libreng sakay sakaling may maapektuhan o mahihirapang commuters­ nga­yong Lunes at Martes.­

Ayon kay LTFRB Spokesperson Aileen Lizada, patuloy na nakaantabay ang kanilang 31 sasakyan at 22 pri­badong bus para sa mga pasahero.

“We will remain in our monitoring mode, we will not deactivate our Joint Quick Response­ Team. We have directed­ our enforcers to check the terminals of PISTON, as well as their routes. We need to be thorough and we cannot just leave anything to chance,” pahayag ni Lizada.

Bagama’t nagpaha­yag si PISTON President George San Mateo na kanselado ang kanilang transport strike ay may ilang grupo ng PISTON sa mga lalawigan ang tuloy pa rin umano ang gagawing tigil-pasada.

Sinabi ni Ramon Rescovilla, secretary ge­neral ng Piston-Bicol, na tuloy ang kanilang gaga­wing tigil-pasada­ dahi­l wala naman silang kasi­guruhan na matutuloy ang ipinatawag na Senate­ hearing ni Sen. Grace Poe.

Nagdesisyon ang PISTON na ikansela ang dalawang araw na transport strike dahil sa apela ni Poe na pag-usapan na lamang sa Senate committee on public services­ ang kanilang hinaing kontra sa jeepney moder­nization kung saan inaasahan umanong dadalo sa pagdinig si Transportation Secretary Arthur Tugade.

Imbes na tigil-pasada, magsasagawa na lamang sila ng transport caravan mula Quezon City hanggang Mendiola, Maynila ngayong Lunes. (with trainee Bridgette Caminoc)