Abante Tonite Interactive

Libreng seminar hinggil sa tula

0 22

Libreng Seminar Hinggil sa Tula, Handog ng UMPIL at LIRA sa CCP sa Dis. 8.

Bilang pagdiriwang sa ika-33 taon nito, magdaraos ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), sa taguyod ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), ng isang seminar hinggil sa pa­nulaan at masinop na pagsulat at ng isang pang-anibersaryong gabi ng tula sa Silangan Hall, Sentrong Pangkultura ng Pilipinas o Cultural Center of the Philippines (CCP), Roxas Blvd., Lungsod Pasay, sa Disyembre 8, 2018.

Gaganapin sa 9 n.u. ang ika-36 edisyon ng Pambansang Edukasyong Pampanitikan (PEP), isang seminar-workshop ng LIRA tungkol sa tulang Filipino. Tampok dito ang panayam nina Dr. Michael M. Coroza (Sining ng Tugma at Sukat), at Dr. Louie Jon A. Sánchez (Sining ng Talinghaga).

Sa 6 n.g. naman magtitipon-tipon ang mga kasapi at kaibigan ng LIRA para sa programang ‘Bagong Bagting.’ Magkakaroon ng pagbabasa ng mga tula at pagtatanghal ng spoken word.

Buong araw namang magkakaroon ng mga poetry book at zine fair.

Katuwang ng UMPIL at LIRA ang CCP at ang kompanyang Merck­ sa pagtataguyod ng gawaing ito.

Libre at bukas sa publiko ang seminar at pagdiriwang, ngunit kailangang mag-pre-register. Para sa pagpapatala at karagdagang katanungan, lumiham sa palihanglira@gmail.com.