Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Libreng swab, cremation tuloy lang sa Maynila

0 192

Habang kami sa pamahalaang-lungsod ng Maynila ay patuloy na nagsisikap mayakap ang mas maraming tao na nangangailangan ng libreng swab testing, ang Manila Emergency Operation Center (MEOC) sa ilalim ng Manila Health Department (MHD) ay nagtakda naman ng updated na RT-PCR swab testing hotlines.

Ito ay upang makapag-test ng mas marami sa drive-thru swab testing center sa Quirino Grandstand, na maaring makamit bagamat ‘strictly by appointment only.’

Batay sa report mula kay MEOC chief Dr. Ed Santos, ang aming drive-thru swab center ay nagagawang magsilbi sa hindi bababa sa 100 katao kada araw, sa pamamagitan ng first-come, first-served basis at batay na din sa naka-schedule nilang appointments.

Mula nang aming itinatag ang nasabing center, naging tuloy-tuloy ang pagbibigay ng libreng swab testing na isinasagawa ng MEOC sa ilalim ng pangangasiwa ni MHD chief Dr. Arnold Pangan at Santos, maging sa mga hindi taga-Maynila.

Ang mga interesadong sumailalim sa libreng swab testing ay maaring makipag-ugnayan sa pamamagitan ng mga sumusunod na hotlines: 09555875981; 09983226367; 09555875976; 09052423327; 09636023177 at 09615869957. Naglagay ang MEOC ng mga karagdagang numero upang higit na mas maraming tao pa ang kanilang mapagsilbihan na nangangailangan ng libreng swab tests.

Mangyari lamang na tumawag muna, upang bigyang-daan ang isang interview at page-encode sa system. Matapos niyan ay bibigyan na kayo ng schedule kung kailan kayo maaring magpa-swab sa aming drive-thru center..

Sa Maynila, ang mga libreng swab tests ay maaring makuha ng mga na-expose sa mga taong may COVID-19 o di kaya ay para sa trabaho o maski simpleng kapanatagan lamang ng loob.

Sa oras na lumabas na ang resulta ng naturang swab test, ang system sa Sta. Ana Hospital na pinamumunuan ni Dr. Grace Padilla ang magpapadala nito sa tao mismong nagpa-test sa pamamagitan ng email. Kung wala naman siyang email, tatawagan siya ng MEOC.

Habang isinusulat ito ay umabot na sa 198,698 katao ang nagawang sumailalim sa libreng swab testing na patuloy na ibinibigay ng pamahalaang-lokal ng Maynila, hindi lamang sa pamamagitan ng drive-thru kungdi maging sa anim na ospital na pinatatakbo ng lungsod.

Kasabay nito, isa pang tuloy-tuloy na serbisyo na ibinibigay sa Maynila ay ang ‘cremation’ ng mga pumanaw dahil sa COVID-19, sa pamamagitan ng Manila North Cemetery (MNC).

Nakalulungkot, subalit ang ‘load’ sa MNC ay pabigat nang pabigat nitong mga nakalipas na araw. May mga pagkakataon pa nga na umabot ng mula 22 hanggang 26 kada araw ang sinusunog na bangkay sa MNC.

Aming inumpisahan ang libreng cremation services nang umabot sa rurok ang pandemya nitong nakaraang taon. Bagamat ito ay libre, ito ang uri ng serbisyo na hindi ako natutuwang ibigay sa sinuman. Talagang lubhang nakalulungkot sa tuwing mababalitaan ko na may namamatay sa lungsod.

Ang libreng cremation ay aming ibinigay nang magkaroon ng alituntunin na ang mga bangkay ng ‘confirmed and suspected COVID-19 cases’ ay kailangang ma-cremate o mailibing sa loob ng 12 oras matapos itong pumanaw.

Ito ay para makatulong sa mga mahihirap na residente ng lungsod na hindi kakayanin ang napakalaking gastusin ng pagpapa-cremate. Isipin nyo na lamang kung gaano kahirap ang mawalan ng mahal sa buhay tapos kailangan mo pang maghagilap ng pera para sa cremation, na karaniwang umaabot sa P18,000 hanggang P40,000. Napakalaking pabigat nito sa mga nagdadalamhating pamilya.

Ang mga kapamilya ng nasawa na nangangailangan ng libreng cremation ay maaring makipag-ugnayan sa tanggapan ni MNC Director Roselle ‘Yayay’ Castaneda para sa pag-kumpleto ng mga requirements at pagpapa-schedule ng cremation.

Bukod sa pagsusumite ng kinakailangang application, kailangan ding magdala ng ID ng pumanaw at ID ng isang kapamilya at sariling ‘’urn’ o paglalagyan ng abo, gayundin ang temporary death certificate na pirmado ng doktor. Kapag kumpleto na ang mga ito, maari nang kumuha ng schedule mula sa MNC.

Bawat cremation ay tumatagal ng dalawang oras at 30 minuto para palamigin ang makina. May mga pagkakataon na ang MNC ay nag-uumpisa ng kasing-aga ng alas-5 at natatapos ng ala-1 ng madalinga araw na, para lamang mapagbigyan ang mga request sa abot na makakayanan.

Inaabisuhan din ang mga kapamilya ng pumanaw na bawal nang buksan ang cadaver bag pagdating sa MNC at sa oras na dumating ang katawan ay agad itong isinasalang sa cremation, batay sa mga alituntuning ipinatutupad ng national government.

Ako ay talaga namang palagiang nagdarasal at umaasa na wala sanang mangailangan sa Maynila ng ganitong uri ng serbisyo dahil para sa akin, maski isa lamang na pagpanaw ay malaking kalungkutan na ang dala sa akin.

Ito ang dahilan kung kaya’t hindi talaga ako nagsasawa at napapagod sa pananawagan sa mga taga-Maynila at maging sa pangkalahatang publiko na, upang patuloy na ipatupad ang mga umiiral na minimum health protocols at kasama na sa apela ko maging ang mga nakatapos na sa kanilang first at second dose ng bakuna.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.