Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Libreng swab test sa Maynila sa gitna ng ‘roadmap to vaccination’

0 174

Gaya ng aming ipinangako, ang pamahalaang-lungsod ng Maynila, siyempre pa, sa walang-sawang suporta ng aking napakasipag na partner na si Vice Mayor Honey Lacuna at ng buong Manila City Council na kanyang pinamumunuan bilang presiding officer, ay walang-sawang naghahanap ng mga kaparaanan upang mapababa nang husto kundi man tuluyang maalis ang coronavirus sa ating komunidad.

Paglabas ng pitak na ito, siguradong naumpisahan na sa Maynila ang aming libreng swab testing sa pamamagitan ng drive-thru. Ito ang aming pinakabagong proyekto sa lungsod at ito ay aming iniaalay sa mga Batang Maynila at maging sa mga taga-karatig na lugar na dumadapo din sa Maynila.

Ang libreng drive-thru o RT-PCR testing o swab tests, ay nakatakdang umpisahan ngayong Lunes, January 28. Ang testing center site ay ang malawak na Quirino Grandstand sa Luneta kung saan nagpapatuloy din ang libreng drive-thru serology testing para sa mga motorista, ke taga-Maynila man o hindi.

Ito ay bukod pa sa mga kaparehong libreng tests na patuloy na ibinibigay sa mga ospital na pinatatakbo ng lungsod para sa mga hindi motorista o walk-in patients.

Sa pinakabagong drive-thru testing center, di bababa sa 100 pasyente ang maaring ma-swab araw-araw bagama’t ito ay ‘by appointment’ lamang.

Ang mga interesado ay maaring mag-book ng schedule sa Manila Emergency Operation Center ng Manila Health Department sa pamamagitan ng pag-contact sa mga sumusunod na cellphone numbers: 09052423327; 09983226367; 09636023177 at 0955587597.

Magpapatuloy ang lahat ng mga libreng tests na ito habang aming hinihintay ang pagdating mga bakuna laban sa COVID-19.

Noon pang Hulyo ng nakalipas na taon ay nakikipag-usap na ang inyong lingkod sa mga kilalang gumagawa ng nasabing bakuna hanggang sa kelan lamang ay nagawa nating pumasok sa kasunduan para sa pagbili ng 800,000 doses na maaring gamitin sa 400,000 katao.

Muli, sa suporta ng Manila City Council, nakapaglaan ang pamahalaang-lungsod ng inisyal na P200 million para pambili ng bakuna. Ito ay naitaas sa P250 million at sa tulong ng Panginoon, maari itong umakyat pa ng P1 bilyon.

Ito ay bukod pa sa nakatakdang ilaan ng national government para sa Maynila at ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na tayo kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Nitong nakaraang Lunes ay lumagda ako sa mga dokumentong ipinrisinta ni city general services office (CGSO) chief Thelma Perez para sa pagbili ng 12 refrigeration system units para imbakan ng bakuna at 50 units ng transport coolers kung saan maaring ilagay ang mga bakuna upang maprotektahan ang efficacy nito habang ibinibiyahe. Ang mga freezers at transport coolers na ito ay maaring gamitin n gaming mga ospital kapag wala nang COVID.

Matapos ang pirmahan sa pagbili ng bakuna, agad naman akong naghanap ng lugar, kasama sina city engineer Armand Andres, asst. secretary to the mayor Letlet Zarcal at city architect Pepito Balmoris, kung saan maaring mailagak ang mga bakuna at mapanatili ang kalidad nito.

Agad ding inumpisahan ang paggawa ng vaccine storage facility sa ikapitong palapag ng Sta. Ana Hospital na pinamumunuan ng director nitong si Dr. Grace Padilla. Nasa Sta. Ana Hospital din ang Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC).

Sana lang ay paglaanan ng oras ng mga interesado ang pagpapa-rehistro online, sa https://manilacovid19vaccine.com para sa libreng pagpapa-bakuna, para pagdating ng bakuna ay maaring ma-proseso ang bawat isa sa loob lamang ng limang minuto. Ang mga hindi nagpa-rehistro ay mas matatagalan dahil kakailanganin pa silang kapanayamin upang makuha ang mga kailangang detalye para sa paggawa ng ‘passport’ o ID na magsisilbing pruweba na ang isang tao ay bakunado na.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! ***

Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.