Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lider ng mga tsuper bulagta sa tandem

0 69

Patay ang pangulo ng isang jeepney drivers association makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Barangay Unang Sigaw, Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Jessie San Jose Dela Cruz, 46, may-asawa, operation manager ng UPV Trucking and Hauling Service at nakatira sa Sta. Maria, Maria Bulacan.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, bandang alas-otso ng gabi nang tambangan ang biktima sa kahabaan ng East Service Road sa Barangay Unang Sigaw.

Ayon kay Staff Sergeant Anthony Tejereo, pauwi na ang biktima sa kanilang tahanan sakay ng pulang Mitsubishi Adventure at habang binabagtas ang kahabaan ng East Service Road ay dinikitan ng tandem saka pinagbababaril.

Bagamat sugatan ay nagawa pa ng biktima na paandarin ang kanyang sasakyan pero hinabol pa rin siya ng mga suspek at muling pinaputukan ng baril bago tuluyang tumakas sakay ng motorsiklo na hindi naplakahan.

Naisugod pa ng mga tanod na sina Arnel Torres at Noel Iniong ang biktima sa MCU Hospital pero nasawi rin ito bandang alas-9:30 ng gabi, ayon kay Dr. Rey Paulo.

Narekober ng rumespondeng Scene of the Crime Operatives sa pinangyariyhan ng ambush ang dalawang fired cartridge cases at dalawang basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nakuha naman ng mga awtoridad ang isang Commodore caliber .45 pistol na kargado ng pitong bala at dalawang cartridge cases sa sasakyan ng biktima.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo ng pamamaslang upang matukoy ang mga suspek. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.