Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Liderato ng PNP may napatunayan

0 136

Isang positibong senyales ang isinampang kaso ng Philippine National Police (PNP) laban sa sampung miyembro nito na kasama sa anti-illegal drug operation sa Laguna kung saan isang menor de edad ang kasamang napatay. Ipinakita nito na hindi pinagtatakpan ng pamunuan ng PNP ang mga miyembro nito na nahaharap sa mga akusasyon ng pagmamalabis.

Nang mapatay ang 16-anyos na si Jhondie Helis sa operasyong ikinasa sa Biñan City, Laguna noong nakaraang Hunyo 16, sinabi ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na paiimbestigahan niya ang totoong nangyari at kung nagkaroon ng pagmamalabis ang mga pulis ay kakasuhan ang mga ito para mapanagot sa kanilang kasalanan.

“Hindi po natin binabalewala ang mga alegasyon ng lapses sa operasyon ng ating mga pulis. Kaya nga po natin ito iniimbestigahan ay para maitama, sakaling may lapses na makita, para hindi na maulit pa,” pahayag dati ni PGen Eleazar.

Sa reklamo ng magulang ni Helis hindi totoong nakipagbarilan ang kanilang anak sa mga pulis sa halip ay pinatay ito habang nakaposas at nakadapa.

At ngayong natapos ang imbestigasyon ng Fact-finding Investigation Task Group, nagsampa na nga ng homicide case laban sa 10 miyembro ng Laguna Police Provincial Office (PPO) sa City Prosecutor ng Biñan City. Kasama sa kinasuhan ang namuno sa operasyon. Ang pagsasampa ng kaso ay ibinase sa testimonya ng magulang ni Helis.

Ipinakita nito na hindi binabalewala ng liderato ng PNP ang anumang alegasyon laban sa kanilang mga miyembro. Walang pagtatakip sa katotohanan. Pakikinggan ang bintang at hindi tatangkaing takutin ang nagrereklamo.

Sa ginawang pagsasampa ng kaso ng mismong PNP laban sa kanilang mga miyembro, maliwanag pa sa sikat ng araw na walang pagtatakip at walang pagkunsinting nangyari. Kaya naman korte na ngayon ang bahalang magdetermina kung guilty ang mga pulis sa akusasyon at korte na rin ang bahalang maglapat ng karampatang parusa.

Ayon nga mismo kay Eleazar, “This is proof that the PNP will not shield its personnel. Kung may akusasyon, imbestigahan at sampahan ng kaso kung kinakailangan. I have repeatedly said that I will not tolerate police abuse in the organization.”

“For now, hayaan nating gumulong ang kaso ng mga pulis na kinasuhan at hintayin natin ang magiging resolution nito. Let us allow the City Prosecutor to appreciate the submitted evidence and facts of the incident,” pahayag pa ng PNP Chief.

Sa kaganapang ito, nakita nating lahat ng meron tayong PNP chief na hindi kunsintidor at marunong tumupad sa kanyang ipinangako. Ipinakita nito na ang liderato ng PNP sa kasalukuyan ay para sa taumbayan.

Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran sa PNP, unti-unting mawawala ang mga bulok na kamatis sa loob ng organisasyon. Magdadalawang-isip na ang mga mapang-abusong pulis dahil makikita nila na sinumang gumawa ng masama ay mapaparusahan at hindi kakampihan ni PGen Eleazar.

Sa ilalim ng liderato ni PGen Eleazar, muling mabubuo ang kumpiyansa ng taumbayan sa mga pulis.

Leave A Reply

Your email address will not be published.