Abante Tonite Interactive

Life journey

60

Napanaginipan kong ako po ay nag-aaplay ng trabaho tapos pinasakay ako sa tren dahil dadalhin daw ako sa mismong kompanya. Umandar ang tren at iisang riles lang ang tinatakbo. Sa unang hinto, bumaba ako dahil akala ko ay doon ang destinasyon pero sinabihan ako na hindi daw du’n ‘yung mismong destinasyon ko, dalawa pa daw istasyon mula sa pupuntahan ko ngunit naiwan ako ng tren kaya naghintay ako ng sunod na tren. Pero dahil sa tagal ng paghihintay, naisip ko daw bumalik gamit ang ibang sasakyan kung saan may nakasakay akong sanggol at ama nito. Naisip ko raw na kinabukasan na lang ako pupunta sa pag-aaplayan ko dahil alam ko kung saan ako mismo bababang istasyon.

Ano po ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Ang panaginip tungkol sa tren ay sumisimbolo sa iyong life journey. Ang nag-iisang direksyon ng riles ay nagpapakita na nasa tamang landas ka. Habang ang bahagi ng iyong pana­ginip kung saan naghihintay ka sa istasyon ng tren ay maikokonek sa transisyon o pagbabagong nagaganap sa iyong buhay kung saan pinag-iisipan mo ang direksyong tinatahak mo.

Maaaring nasa punto ka ng iyong buhay kung saan pinag-iisipan mo ang mga dapat mong gawin. Sa iyong ­panaginip, nakita mo ang iyong sarili na naupo nang mahabang oras sa istasyon ng tren hanggang sa mapagdesisyunan mong ipagpabukas na lamang ang iyong lakad dahil alam mo na kung saan ang iyong destinasyon kaya tiwala kang mararating mo ito nang walang hirap.

Kung anuman ang sitwasyong pinagdaraanan mo ngayon, nagpapaalala lamang ang iyong subconscious na kailangan mong bigyan ng panahon ang iyong sarili na makapag-isip. Alam mong tama ang direksyong tinatahak mo pero maa­aring may alinlangan kang nararamdaman at dahil dito’y pini­pigilan mo ang ­momentum ng mga nangyayari.

Indikasyon din ito na gusto mong makontrol ang sitwasyon na maaaring pinagdara­anan mo ngayon. Sa aktuwal na buhay, may mga pagkakataong tila nagi­ging mabilis ang mga pangyayari at hindi tayo nagiging komportable kaya naman parang gusto muna nating maka­hinga at maibalik sa kontrol natin ang lahat. Pag-aralan mo ang sitwasyon mo sa kasalukuyan, may pinagdaraanan ka bang sitwasyon kung saan tila ang dami-daming nangyayari sa buhay mo at kahit pabor ito sa iyo ay tila gusto mong sabihin na “stop muna”?

Sa iyong panaginip, nakita mo rin ang sarili mo na bumibiyahe pabalik sa pinanggalingan na indikasyon nga ng mga nararamdaman mong pag-aalinlangan. Suma­kay ka ng ibang sasak­yan pabalik sa pinanggali­ngan mo kung saan nakasakay mo pa ang isang mag-ama. Ang sanggol ay maikokonek mo sa iyong ­sarili at sa anumang pagsisi­mulang tinatahak mo. Ang bawat sanggol ay nangangailangan ng pag-aaruga, ng proteksyon at pagmamahal. Maa­aring ito ang hinahanap mo sa buhay mo. Habang ang ama ay sumisimbolo sa ­seguridad at suporta. Nasa isang ama ang ­power dahil siya ang may kontrol sa kanyang pamilya.

Maikokonek naman ang bahaging ito ng iyong panaginip sa kontrol na gusto mong maipatupad sa buhay mo at sa segu­ridad na gusto mong matiyak.

Sa kabuuan, ang iyong panaginip ay nagpapa­alala lamang sa mga choices mo sa buhay.

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pana­ginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.