Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ligtas at accessible voter registration sa Taguig tuloy

0 73

Ilang linggo na lang ay matatapos na ang pagpaparehistro ng mga botante sa Commission on Elections (COMELEC) para sa darating na halalan.

Salamat sa agresibo at progresibong mga hakbang ng COMELEC para mahikayat pang lalo ang ating mga kababayan na magparehistro.

Sa Taguig, bago pa man nagsimula ang pandemya ay walang tigil na ang lungsod sa pagpapaalala sa lahat na magparehistro at bumoto. Wala pang katiyakan kung ang voter’s registration period ay magkakaroon ng extension kaya habang may panahon pa ay gawin na natin ito.

Ginawang mas madali, mabilis at ligtas ang transaksyon sa Taguig. Sa inisiyatibo ng COMELEC central office, nagbukas ang lungsod sa mga piling petsa ng mga identified satellite registration sites para ilapit pa ito sa mga Taguigeños. Matatagpuan ang mga ito sa Bonifacio High Street, SM Aura, Uptown Mall at SM Grace Mall.

Bukas din ang COMELEC Office sa Taguig City Hall para tumanggap ng mga magpaparehistro.

Para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao, mapanatili ang kaayusan at masiguro na may physical distancing, ang mga pupunta sa satellite registration sites ay dapat munang magpa-appointment online. Ang maaari lamang mag-walk-in ay ang mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), heavily pregnant women, frontliners at uniformed personnel. May priority lanes pa na inilaan para sa mga seniors at PWDs para hindi na sila mahirapang pumila.

Para sa online scheduling, kinakailangan lamang pumunta ng mga Taguigeños sa COMELEC Taguig City – Account page sa Facebook. Dito rin makikita ang lahat ng updates, announcements at schedules ng registration. Maaari ring isangguni ang mga katanungan at iba pang concerns dito.

Mahigpit na pinapatupad ang mga health and safety protocols tulad ng pagsusuot ng mask, face shield, at physical distancing kapag magpaparehistro, lalo’t ang dalawa sa mga satellite registration sites na SM Aura at Bonifacio High Street ay nagsisilbi ring mga Taguig vaccination hubs.

SM food to go Banner Ad

Sa mga magpaparehistrong Taguigeños, kinakailangan nilang magdala ng isang photocopy ng anumang government-issued ID na may current at complete address nila.

Kung may kinakailangan namang ipabago, walang problema dahil kailangan lamang nilang ipresenta ang original document ng birth certificate, marriage contract/court order o certificate of no marriage record (CENOMAR).

Pansamantalang natigil ang voter’s registration noong mga nakaraang linggo dahil sa mga pagbabago sa quarantine classifications. Pero naglabas na ang COMELEC ng resolution na simula September 6, 2021 ay maaari na itong ipagpatuloy sa lahat ng mga lugar kahit na nasa ilalim pa rin ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila kabilang ang Taguig.

Simula September 6 hanggang September 25 ay handa at bukas na muli ang mga opisina at satellite registration sites para sa mga Taguigeños na nais magparehistro.

Ang paghikayat sa mga botante na magparehistro para magkaroon sila ng boses sa darating na halalan ay bahagi ng pagpapalawak ng Good Governance Agenda ng Taguig. Ang good governance ay makikita sa tapat at maayos na pamamalakad sa lungsod at pagbuo nito ng makabuluhang mga programa. Ang pagkakaroon ng partisipasyon ng mga mamamayan sa mga plano at programa ng pamahalaang lungsod ay isa ring mahalagang aspeto nito.

Patuloy ang lungsod sa mga ganitong inisiyatibo habang nakatuon din ang pokus sa iba pang programa laban sa COVID-19, tulad ng agresibong testing at pagbabakuna.

Bawat boto natin ay mahalaga, kaya ang una nating dapat gawin ay gamitin ang karapatan nating bumoto.

Malaking hakbang ito para makamtan natin ang pag-unlad at pagkakaisa kasama ang isang pamahalaan na mapagkakatiwalaan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.