Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ligtas, mabilis at epektibong pagbabakuna

0 466

Ang pagbabakuna ay isa sa mga dapat bigyan ng atensyon at prayoridad ng gobyerno para alagaan ang ating mga kababayan mula sa COVID-19.

Kapag nakumpleto ang pagbabakuna, pipigilan nito ang malalang kaso ng COVID-19, pagkakaospital at magsisilbing proteksyon sa sarili, pamilya at kapwa.

Ngayong taon, target ng Taguig na matapos ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa lahat ng eligible na nakatira sa lungsod pagdating ng Nobyembre. Kaya tatlong bagay ang pinapahalagahan ng lokal na pamahalaan sa pagbabakuna. Ito ay ang tiyaking ligtas, mabilis at madaling puntahan ang pagbabakuna.

Safe, fast and accessible.

Safe o ligtas ang mga bakuna dahil masusi itong pinag-aralan ng mga eksperto at ang mga bakuna na ginagamit ngayon sa ating bansa ay mayroong Emergency Use Authorization o EUA mula sa Philippine FDA.

Para tiyakin na ligtas ang pagbabakuna, sa mga open-air at well-ventilated areas itinayo ang mga vaccination sites sa Taguig. Maayos din ang pag-iimbak sa mga cold storage facilities ng mga bakuna para siguraduhing epektibo pa rin ito kapag gagamitin na.

Fast o mabilis ang pagbabakuna dahil may maayos na sistema na sinusunod sa Taguig. Hindi matagal ang paghihintay at hindi nagsisiksikan ang mga babakunahan dahil lahat ay may schedule kung kailan dapat pumunta sa vaccination site. Komportable rin ang mga nurse, doktor at babakunahan at nasusunod palagi ang mga health protocols tulad ng physical distancing at pagsuot ng face mask at face shield.

Accessible o madaling puntahan ang mga vaccination sites para sipagin at maengganyong magpabakuna ang mga Taguigeños sa takdang araw ng kanilang pagbabakuna. May mga shuttle service na libreng naghahatid sa mga babakunahan sa mga vaccination sites. May mobile vaccination bus pa na maaaring pumarada sa iba’t ibang lugar sa lungsod.

Bukod pa rito, sinimulan na ring gamitin ng lokal na pamahalaan ang mga government buildings at patuloy ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor para sa vaccination sites kabilang ang St. Luke’s Medical Center at malls ng Megaworld, Vista Mall, Ayala Malls at SM. Ito ay para pabilisin ang mass vaccination program at matupad ang target na matapos ang pagbabakuna sa lahat ng residente ng Taguig sa Nobyembre.

May limang mega vaccination hubs ang Taguig sa Lakeshore na nagsisilbing Vaccine Information and Training Center, Vista Mall, SM Aura, Bonifacio High Street at Venice Grand Canal Mall. May mga community vaccination centers din sa apat na public schools sa Taguig at St. Luke’s Medical Center at ang umiikot na mobile vaccination bus.

Plano ng lungsod na magtayo pa ng mas maraming vaccination sites para mas mailapit sa mga komunidad ang pagbabakuna kapag dumating na ang bultong supply nito.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang safe, fast at accessible na pagbabakuna sa Taguig ay napapatupad sa pamamagitan ng Taguig Registry for Access and Citizen Engagement o TRACE na unang ginamit ng lokal na pamahalaan bilang online contact tracing application at ngayon para sa pagbabakuna.

Sa TRACE Taguig, maaaring mag-register at mag-schedule ng pagbabakuna ang mga residente. Maaari silang pumili ng nais nilang petsa, venue at oras ng kanilang pagbabakuna.

May mga vaccination registration kiosks din sa bawat barangay para sa mga walang sapat na access sa internet at door-to-door registration service lalo na para sa mga senior citizens na hirap makalabas ng bahay o hindi kaya na magrehistro online.

Para maabot pa ang vulnerable sector, mayroon namang home vaccination service para sa bedridden Taguigeños kung saan sila ay pinupuntahan sa bahay ng doktor para bigyan ng bakuna.

Ang second dose ng bakuna ay mas pinadali na rin dahil pinapayagan na ang walk-ins sa mga mega vaccination hubs sa lungsod. Bukod sa nakalagay sa COVID-19 vaccination cards ang schedule ng second dose ay makakatanggap din ng text reminder tungkol dito ang mga Taguigeños.

Para naman sa mga katanungan ng ating mga kababayan tungkol sa TRACE registration at pagbabakuna, mayroong Taguig Vaccination Call Center kung saan maaari nilang isangguni ang kanilang mga katanungan sa pamamagitan ng e-mail o vaccine hotlines sa text, Whatsapp o Viber.

Sa kasalukuyan, mahigit 65,000 na mga indibidwal ang nakatanggap ng kanilang bakuna sa Taguig.

Layunin ng lungsod na magbakuna ng 10,000 katao kada araw para tuparin ang target ng Taguig na mabakunahan ang buong eligible population nito sa Nobyembre. Ito ang inaasahan nating mangyari para pagkatapos ng pagbabakuna sa Taguig ay magamit ang mga pasilidad ng lungsod at tumulong sa pagpapabilis ng pagbabakuna sa ibang parte ng Metro Manila at karatig na probinsya.

Ang ating paniniwala ay kapag hindi ligtas ang bawat isa sa atin, wala pa ring ligtas mula sa COVID-19.

Kahit tuloy-tuloy ang pagbabakuna, kaakibat pa rin nito ang patuloy na pagsunod sa health at safety protocols habang wala pa tayong herd immunity.

Trabaho din namin sa gobyerno na buuin ang tiwala ng bawat Pilipino na ang pagbabakuna ay ligtas, epektibo at madaling puntahan.

Kung gusto nating mahinto na ang lockdowns, sumigla muli ang ekonomiya, makapagtrabaho, makapag-aral at magtipon kasama ang ating mga mahal sa buhay, tulungan natin ang ating sarili at ang ating kapwa na magpabakuna. Kailangan natin ito para matapos ang pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.