Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ligtas na Kapaskuhan

0 216

Naaamoy na ang simoy ng kapaskuhan subalit hindi pa rin nakakasiguro ang mga Pilipino ng ganap na kaligtasan dahil sa banta ng COVID-19 sa bansa.

Halos siyam na buwan ng hinaharap ng sambayan ang matinding hamon, sakripisyo, kunsimisyon, pangamba at takot dahil sa coronavirus na kumakalat sa buong bansa at marami ang nag-iisip kung magiging masaya pa rin ba ang pasko ng mga Pilipino ngayong Disyembre.

Amin man o hindi, maraming mga Pilipino ang nabago ang buhay dahil sa epekto ng COVID pandemic.

Marami ang mga nawalan ng hanapbuhay, nabawasan ang pasok sa trabaho at kung may kinikita man ay pilit na pinagkakasya dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin.

Ang lahat ng ito ay dahil sa epekto COVID pandemic at dumagdag na rin ang magkakasunod na bagyong nanalasa sa bansa.

Dapang-dapa at sadsad na sadsad na ang kalagayan ng maraming mahihirap na Pilipino dahil sa pandemya at malaking katanungan kung ano ang naghihintay sa kanila ngayong kapaskuhan.

Maraming binago ang COVID-19 sa buhay ng mga Pilipino dahil hindi na malayang magagawa ang mga araw-araw na routine dahil sa ipinatutupad na paghihigpit ng gobyerno para sa kaligtasan ng sambayanan.

Malinaw naman ang hangarin ng gobyerno–ang matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino kaya kinakailangang sumunod sa basic health protocols para hindi mapabilang sa listahan ng mga nasawi sa COVID-19.

At dahil ilang araw na lamang ay papasok na ang buwan ng Disyembre, nagpalabas ng mga paalala ang Department of Health (DOH) para maging ligtas ang pagselebra sa pasko at bagong taon.

Para makatiyak na makaiwas sa peligro ng COVID-19, dumalo ng misa online, gawin ang noche buena at media noche sa loob ng tahanan sa halip na gawin ito sa labas o mamahaling hotel o restaurants;nat mamili o mag-shopping online para iwas sa maraming tao at iwas stress na rin.

Ano mang aktibidad o gagawin sa labas ng bahay ay mayroong posibilidad at peligro na makapitan ng COVID-19 kahit pa sumunod sa social distancing at ano pa mang pag-iingat.

Ayon sa DOH, mataas ang panganib sa COVID-19 sa pagdalo ng indoor activities na maraming tao; pamimili sa mga masisikip na tiangge; malakas na pagsasalita o pagkanta dahil sa posibleng talsik ng laway at ang physical contact gaya ng beso-beso at pakikipagkamay .

Nasa publiko na ang pagpapasya kung susundin o hindi ang mga paalalang ito ng DOH, pero para sa gobyerno hindi nila hinahangad na madagdagan ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 bagkus ay umaasang magdiriwang ang sambayanan ng ligtas na kapaskuhan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.