Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ligtas na relokasyon, pabahay sigurado kay Lacson

0 53

Tiniyak ni presidential candidate Panfilo `Ping’ Lacson na kung sa kanya tataya ang mga botanteng Pilipino ay mangyayari sa kanyang magiging administrasyon ang responsibilidad ng gobyerno na ilayo sa panganib ang publiko.

Sinabi ni Lacson na walang pamilya ang dapat maiwan sa mga delikadong lugar tuwing may kalamidad, gaya ng malalakas na bagyo at lindol, bagay na pinaghahandaan ng kanyang magiging gobyerno sakaling maluklok siya bilang susunod na pangulo ng bansa.

Tinalakay ito ni Lacson sa town hall forum sa Pe?aranda Park sa Legazpi City, Albay noong Biyernes (Abril 29). Dumalaw siya sa lalawigan kasama ni senatorial candidate Dra. Minguita Padilla para kausapin ang mga botante, kabilang na ang mga nakatira malapit sa baybayin.

“Alam ninyo kung bakit inaalis natin ang ating mga kababayan sa coastal areas? Dahil disaster-prone. ‘Pag nagkaroon ng storm surge, maraming mamamatay, kaya mayroon tayong easement,” paliwanag ni Lacson sa tanong ng residente kung maaari silang manatili sa kanilang lugar sa kabila ng panganib.

“Huwag po nating sisihin ang gobyerno kung pinapaalis kayo sa coastal area, pero dapat meron kayong paglilipatan, hindi puwedeng wala. Obligasyon po ng pamahalaan ‘yan. Pero dapat ligtas ang ating mga kababayan, lalo na ‘yung Bicol, ‘di ba, laging dinadalaw ng bagyo?” dagdag ni Lacson.

Ibinahagi rin ni Lacson ang impormasyon na pang-apat ang Pilipinas sa mga bansa na pinaka-delikado sa mapaminsalang epekto ng climate change tulad ng malalakas ng bagyo at matinding pagbaha. Base ito sa Global Climate Risk Index 2021 ng Germanwatch na kinilala ng Climate Change Commission.

Leave A Reply

Your email address will not be published.