Abante Tonite Interactive

Linisin ang Ylaya

165

Dear Abante Tonite,

Nakakadismaya na kung kailan nagsisikap si Mayor Isko Moreno na linisin ang lungsod ng Maynila ay mayroon naman tayong mga kababayan na parang balewala lang sa kanila ang ginagawa ng alkalde.

Isang nakakahiyang halimbawa itong mga basurang tumambad sa alkalde nang mag-surprise inspection ito sa Ylaya Street sa Binondo.

Ang gulo-gulo ng lugar dahil bukod sa mga nakatambak na basura ay naglipana pa rin ang mga vendor na nakakasagabal sa daanan ng mga tao at sasakyan.

Puwede namang maghanapbuhay nang maayos na hindi nakakasagabal sa mga tao at nakakadumi sa kapaligiran. Magpakita naman kayo ng malasakit at hindi puro reklamo kapag nasisita o nahuhuli dahil na rin sa kagagawan ninyo.

Panawagan na rin naming mga Batang Maynila kay Mayor Isko na sitahin ang mga punong barangay na nakakasakop sa mga lugar na kanyang binisita at nakitang dugyot ang itsura.

Hindi magkakaganyan kung mismong ang barangay ay pinapatupad ang kanyang kautusan na tumulong sa paglilinis sa kapaligiran.

Salamat po.
Robert ng Tondo, Maynila