Abante Tonite Interactive

Lista na para sa Ateneo

160

MARKADO
Ray Mark Patriarca

Agawan ngayong araw ang University of the Phi­lippines Fighting Maroons at University of Santo Tomas Growling Tigers para sa isang ‘premyo’.

Ito ay ang makaharap ang Ateneo de Manila University Blue Eagles sa Finals ng UAAP Season 82, na kung tutuusin ay tila ‘di magandang gantimpalang matanggap lalo na sa performance ng naturang koponan ngayon.

Wala rin namang tulak kabigin ang lineup ng UST at UP, bawat team ay may kanya-kanyang lakas kaya nakasulong sa Final Four.

Sa UST ay nandiyan ang balanced scoring at malupit na tikada sa tres ng kanilang mga manlalaro, nasa kanila pa ang dalawang individual awardee na sina season MVP Soulemane Chabi Yo, at Rookie of the Year Mark Nonoy.

Kung star talent naman ang inyong hinahanap, wala nang dapat pang tingnan kundi ang UP Fighting Maroons.

Sa pagdagdag nina dating US NCAA player Kobe Paras at 3×3 star Ricci Rivero sa koponan, biglang angat mula underdog patungong title-contender ang UP at posible pang dumalawang magkasunod na ulit sa Finals.

Ngunit kung titingnan, ang season na ito’y nakatadhana na para sa Ateneo.
14-0 ang kinamada ng mga agila, ang ikatlong unbeaten record sa kasaysayan ng liga. Halos sa lahat ng stats ay nangunguna rin ang Ateneo na tila ibang lebel kumpara sa mga katapat na collegiate team.

Patunay na rito nang sumalang ang Ateneo sa William Jones Cup noong nakaraang taon kung saan tumapos sa ikaapat na puwesto, ang kaharap ang ilang bigatin sa ibang bansa, nakalaban pa ang national team ng Chinese Taipei kung saan sila nagwagi.

Ang mga ganitong karanasan ay lubhang nakatulong sa Eagles, na target ang back-to-back title at masemento ang supremacy sa liga.

At kung sakali, mukhang matagal-tagal pang maghahari ang Ateneo sa UAAP, sa susunod na taon ay naroon pa ang kanilang mga sinasandalang player tulad ni Angelo Kouame.