Abante Tonite Interactive

Listahan ng mga convict na nakalabas ng PH hinihingi ng DOJ

317

Hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ibigay sa kanila ang listahan ng mga convicted drug lord na sinasabing nakalabas na ng bansa.

Ito’y matapos igiit ni PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino na nasa labas na ng Pilipinas ang tatlong convicted drug lord at malabo na rin umanong magbalik sa bansa para sa boluntaryo nilang pagsuko.

Ani Aquino, kung babalik man ang mga drug lord sa Pilipinas, ang mga ito ay tiyak na magpapatuloy sa kanilang illegal drug operations at gagamit ng pekeng pangalan upang makaiwas sa paghuli.

Samantala, sinabi ni DOJ Usec. Markk Perete na sa beripikasyon ng kagawaran ay wala pa ring nakakaalis ng bansa sa 1,914 heinous crime convict na maagang nakalaya dahil sa GCTA.

Upang makatiyak, sinabi ni Perete na makakatulong sa DOJ at sa Bureau of Immigration (BI) kung ipapadala at kikilalanin ng PDEA ang mga naturang drug lord na nakalabas na ng bansa para maisailalim na rin sila sa beripikasyon.

Sa ganitong paraan, ani Perete, ay mahahabol din ng pamahalaan ang mga convicted drug lord upang maibalik muli sa New Bilibid Prison.

Nitong weekend, sinabi ni Perete na nasa higit 500 na ng mga nakalaya dahil sa GCTA ang sumuko at nasa kustodiya na ng Bureau of Corrections. (Lorraine Gamo)