Abante Tonite Interactive

Live-in partner tinodas

0 322

Patay ang isang 24-anyos na babae matapos itong barilin ng kanyang kinakasama habang nasa gitna ng pagtatalo Sabado nang umaga sa Barangay San Isidro, Antipolo City.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktimang si Angela Shynne Villanieva alyas Bamby pero hindi na rin naisalba ang buhay nito dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan mula sa kalibre .38 revolver.

Arestado naman ang suspek na si Joel Tongco, 42, driver, at residente ng Block 56, Lot 9, Bagong Nayon 2, Brgy. S an Isidro.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 4-A na ipinadala ng Antipolo City Police, dakong alas-dos ng madaling-araw nang maganap ang krimen sa tahanan ng biktima sa Block 9, Lot 1, Phase 1, Brgy. San Isidro.

Sa salaysay ng testigong si Lang Bonite, 27-anyos at kapitbahay ng magka-live in, bago nangyari ang krimen ay narinig pa niyang nagtatalo ang suspek at biktima pero hindi niya mabatid kung anong dahilan.

Hanggang sa nakarinig na lamang umano siya ng putok ng baril at nang alamin ang pinagmulan nito ay nakita niya ang suspek na buhat-buhat ang duguang biktima na isinakay sa isang tricycle saka isinugod sa pagamutan.

Agad na sinabi ni Bonite sa mga kaanak ng biktima ang pangyayari at humingi naman ang mga ito ng tulong sa pulisya kaya mabilis na naaresto ang suspek na nakakulong na ngayon sa Antipolo City Police Station.

Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang baril na ginamit ng suspek na may ilang bala pa gayundin ang isang basyo ng bala na ipinutok sa biktima. (Edwin Balasa)