Abante Tonite Interactive

Liyab, Sibol bubuo sa PH eSports team

187

Magsasanib-puwersa ang dalawang grupong namumuno sa electronic sports o eSports sa bansa para sa unang pagsasagawa ng disiplina sa 30th Southeast Asian Games 2019 na itataguyod sa Nobyembre 30-Disyembre 11.

Ito ang sinabi sa Level Up ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee Foundation Inc. (PFI) Chief Executive Officer Ramon “Tatz” Suzara bilang tugon sa ilang katanungan ng maraming tagasunod ng eSports sa bansa.

“Wala pang international federation o IF na kinikilala sa eSports ang International Olympic Committee (IOC),” dada ni Suzara, habang pinapaliwanag na isang committee-in-charge ang binuo na nila para sa magpapatakbo ng SEA Games eSports.

Ipinaalam na ito ng Phisgoc sa Asian Electro­nics Sports Federation (AESF).

Kasalukuyan nang nasa proseso ng accreditation at pagiging associate member ng Philippine Olympic Committee ang kababalangkas na national governing eSports body sa bansa.

Siniwalat din ni Suzara na nakatakdang magsanib ang dalawang pinakamalaking grupo ng eSports sa bansa para buuin ang Philippine eSports national team para sa 11-nation, 12-day biennial SEAG.

Una nang nabuo ang Sibol sa ilalim ng Philippine Electronic Sports Union (PSEU) na makakasama sa training pool ang mga manlalaro mula naman sa Liyab.

Makakasangga ng mga manlalaro na unang napabilang sa Sibol ang koponan ng Liyab AoV Team at Liyab SC2 Enderr sa pool ng mga atleta na may tsansang maging opisyal na miyembro ng pambansang koponan sa nalalapit na sportsfest.