Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Liza Marcos ginagamit sa scam

0 179

Hindi lamang ang abogado ni presumptive president Ferdinand `Bongbong’ Marcos Jr. kundi maging ang kanyang maybahay at anak na congressman-elect ay tinarget ng natukoy na utak ng mga scammer bagama’t nakakulong na sa New Bilibid Prison (NBP).

Kinilala ni National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU) head Jerome Bomediano ang tinaguriang utak ng isang grupo ng scammer na si Ryan Ace Castillejo na kasalukuyang nakakulong sa NBP dahil sa kasong qualified theft.

Nakakulong si Castillejo sa maximum security compound kung saan siya nahulihan ng isang unit ng Huawei na ginagamit para sa scamming operation.

Gumagamit din umano si Castellejo ng alyas na `Jose Villafuerte’.

Inginuso diumano si Castillejo ng isa niyang kasabwat na una nang nasakote ng mga NBI agent sa isang entrapment operation matapos maghain ng reklamo si Atty. Vic Rodriguez, ang abogado at tagapagsalita ni Marcos.

SM food to go Banner Ad

Bukod sa Huawei unit na nasamsam kay Castillejo, nahulihan din umano ito ng black at green notebooks na naglalaman ng mga pangalan ng iba pa niyang target tulad ng maybahay ni Marcos na si Louise `Liza’ Cacho Araneta-Marcos, anak na si congressman-elect Sandro Marcos, acting Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Vicente Danao, dating vice president Jejomar Binay, Bureau of Customs (BOC) chief Rey Leonardo Guerrero at Pasig City Mayor Vico Sotto.

Napag-alaman na gumagamit si Castillejo ng mga pekeng Facebook account ng mga kilalang personalidad habang nakabilanggo sa NBP. May tatlo siyang miyembro na siyang tumatanggap ng mga donasyon at dinedeposito naman sa iba’t ibang bank account, ayon sa NBI.

Modus umano ng mga suspek na magpanggap at humingi ng pera mula sa mga supporter ni Marcos para sa mga biktima ng kalamidad.

Ipaghaharap si Castillejo ng mga kasong identity theft at online scam. (Nancy Carvajal)

Leave A Reply

Your email address will not be published.