Abante Tonite Interactive

Loan sharks tutukan din

277

Aileen Taliping

Mainit ngayon ang isyu sa mga investment scam o pyramiding dahil maraming naloloko at nararahuyo sa nakakatuksong alok ng mga fly by night na mga kompanya sa malaking alok na interes kapag nag-invest din ng mala-king halaga.

Kahapon lamang ay iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara sa kompanya ng isang religious organization dahil sa paniwalang isa itong investment scam at marami na ang nagparating ng reklamo sa Pangulo na hindi na nila mabawi ang kanilang inilagak na kapital.

Hindi na bago ang pyramiding sa bansa at kaya naman marami ang nabibiktima at natatakbuhan ng malaking pera ay dahil naghangad din ang mga ito na kumita ng malaking pera.

Hindi muna nag-isip kung hanggang kailan kikita ang kanilang pera dahil batay sa kuwento ng mga naging biktima, padadamahin lamang sila ng isa hanggang dalawang buwan at pagkatapos ay pahirapan na ang pagsingil at kung minamalas ay pati ang opisinang ginagamit ay nagsara na rin.

Pero hindi lang ‘yan ang dapat na bantayan ng mga otoridad dahil tila bumalik na naman ang mga loan shark na nagpapautang sa mga nagigipit kapalit ang halos dobleng interes.

Kalimitang nabibiktima ng mga loan shark ay ang mga trainee na pulis kahit na ipinagbawal na ito noong panahon ni dating Philippine National Police (PNP) chief Ronald “Bato” dela Rosa.

Piyesta na naman ang mga mala-lintang kapitalista at ang mga biktima ay mga inosente at wala pang kamuwang-muwang na mga trainee.

Dahil hindi pa sumusuweldo habang nagte-training, aalukin ng mga loan shark ang mga bagitong pulis ng pera at kakaltasin na lamang ito kapag nakapasok na silang ganap. Kalitimitang nagiging resulta ay buwan-buwan may kaltas na ang kanilang take-home pay at walang ligtas dahil nakatimbre na ito sa finance ng PNP.

Ang ibang pulis na nabiktima ng loan shark ay ilang taong nagdusa dahil tuloy-tuloy ang kaltas sa mga ito kahit dapat ay bayad na ang kanilang inutang na salapi. Wala ring magawa ang mga kinaltasan ng halos dobleng interes kahit magreklamo dahil may kabagalan ang aksiyon dito. Ewan ko na lang ngayon kung nagbago na lalo na at mahigpit na ngayon ang administrasyon.

Hindi naman kaila lalo na sa Malacañang na ang ilan sa mga kapitalistang nasa likod ng loan sharks ay mga retiradong heneral kaya tiklop ang mga biktima kahit magreklamo pa sila.

Panawagan ng mga biktima, tutukan din sana ng Malacañang ang mga nagpapautang na sobra-sobra kung ma-ningil ng interes sa mga pangunahing institusyon sa gobyerno.