Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Locsin umalerto sa travel ban scam

0 110

Nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa publiko na mag-ingat sa mga tiwaling indibiduwal o grupo na nag-iisyu ng pekeng travel exemption letter o nag-aalok ng serbisyo para makakuha ng travel exemption ang mga foreign national na nais makapasok sa Pilipinas.

Inalerto ito ng tanggapan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. kasunod ng ipinatupad na travel ban sa mahigit 30 bansa para na rin mapigilan ang pagpasok ng mga dayuhang posibleng may UK variant ng COVID-19.

Base sa abiso ng DFA nitong Sabado, noong nakaraang taon pa nila pansamantalang sinuspinde ang pag-iisyu ng visa dahil na rin sa pandemya ng COVID-19 subalit sinamantala naman ito ng mga scammer para kumita mula sa mga foreign national na nais makarating sa bansa.

Kapalit umano ng pekeng travel exemption ay malaking halaga naman ang isusuka ng mabibiktimang dayuhan.

Nilinaw ng DFA na hindi sila nangongolekta ng kabayaran para sa travel ban exemption.

Sabi ng DFA, pinatutupad ang travel ban exemption base sa itinatakda ng mga protocol na inilatag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at ng Office of the President.

Payo pa ng DFA sa publiko na maging alerto para hindi mabiktima ng mga scammer.

Leave A Reply

Your email address will not be published.