Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lola, 2 kasabwat sa abortion nabitag

0 248

Pinosasan ang isang lola na 69-anyos at dalawa pa niyang kasabuwat diumano sa abortion sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Commonwealth, Quezon City, Biyernes ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang senior citizen na suspek na si Rosa Tabuso, biyuda, vendor, at ang magkapatid na sina Lito Calipusan, 42, habal-habal driver, at Rolando Calipusan, 29, self-employed, pawang naninirahan sa Waterhole, Barangay Commonwealth.

Nabatid na isang 11-anyos na kinilala na lamang sa pangalang ‘Baby’, ang siyang nagsumbong kung saan ginagawa ng mga suspek ang abortion pero walang binanggit ang mga awtoridad kung isa ang naturang bata sa mga naging biktima.

Batay sa imbestigasyon ni PCMS. Elizalde Toledo ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, bandang alas-9:30 ng gabi (Mayo 7), nang salakayin ang bahay ng mga suspek.

Nakarating umano sa kaalaman ng Business Permit and Licensing Department ng Quezon City ang iligal na aktibidad ng mga suspek kung saan ay kumalat pa sa social media na naging dahilan para batikusin sila ng publiko.

Dahil dito kaya ikinasa ang operasyon ng mga awtoridad kung saan isa ang nagpanggap na kliyente at nakipagtransaksiyon sa mga suspek na kunwari ay magpapalaglag ng kanyang sanggol sa sinapupunan.

Habang iniaabot na ng kliyente ang P12,000 na napagkasunduang kabayaran sa gagawing abortion ng matanda ay agad na pinasok ng mga awtoridad ang bahay ng mga suspek at pinagdadakma ang mga ito.

Nabatid na ang magkapatid na Calipusan ang sumusundo o naghahanap ng mga magiging kliyente ng lolang aborsiyonista at binibigyan lamang umano sila ng maliit na komisyon.

Dinala na ang menor de edad na babae sa local social worker habang ang mga suspek ay ikinulong at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10354 (The Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012), RA 7610 (Child Abuse Law), RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012) at estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.