Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Lola centenarian

0 120

Julius M. Segovia

Nakalulungkot mang isipin pero sa totoo lang, suwerte nang umabot ng ochenta anyos sa panahon ngayon. Bukod sa banta ng pandemya, mabilis ding nabago ng teknolohiya at siyensya ang pamumuhay at pangangatawan ng mga tao.

Kaya kapag may nababalitaan akong umaabot nang 100 years old o higit pa, aba i-flex natin ‘yan!

Dito sa bayan ng Tanza, Cavite, bida si Inay Pistang ng Barangay Punta 1. Nitong October 20, nagdiwang siya ng kanyang ika-100 kaarawan!

Ipinanganak si Teofista Pangilinan Ambunan noong 1920. Mayroon siyang walong anak – apat na babae at apat na lalaki. Aabot naman sa higit 100 ang kanyang mga apo. Kasama na sa bilang na ‘yan ang mga apo sa tuhod at talampakan.

Sa mismong kaarawan, nagmistulang reyna si Inay Pistang sa kanyang suot na korona.

Hindi hadlang ang pandemic para hindi siya ipaghanda ng kanyang pamilya. Dahil bawal ang mass gatherings, via zoom ang kanyang selebrasyon dahil nasa ibang bansa rin ang ilan sa kanyang mga anak at apo.

Tuwang-tuwa naman si Inay Pistang sa selebrasyong handog ng kanyang pamilya na dinaluhan din ng mga kaibigan, kapitbahay at mga kaanak.

Bilang pasasalamat, naghandog pa ng awitin si Inay Pistang sa kanyang mga mahal sa buhay. Hindi mo iisiping 100 years old na siya dahil malinaw ang paningin at matalas ang pandinig.

Makakatanggap ng pera mula sa lokal na pamahalaan ng Tanza si Inay Pistang. Ayon sa local DSWD, may dalawa pang centenarian sa susunod na buwan.

Bukod dito, may makukuha ring P100,000 na cash reward ang mga centenarian mula sa national government alinsunod sa Centenarians Act of 2016.

Ngayong Oktubre ay ipinagdiriwang din natin ang Senior Citizens’ month kaya maglaan tayo ng oras para batiin at ipadama ang pagmamahal sa ating mga Lolo at Lola. Wala tayo sa kinalalagyan natin kung wala sila.

Leave A Reply

Your email address will not be published.