Abante Tonite Interactive

Lola napilay sa kakaibang ‘trip’ ng 3 lasing

By
0 248

Ang pag-inom ng alak ay inilalagay sa tiyan at hindi sa ulo.

Ito ang kasabihan na tiyak na tatandaan ng tatlong lalaki na nakulong matapos batuhin ng bato at bote ang isang matandang babae dala ng kalasingan sa Valenzuela City, ­kamakalawa ng gabi.

Nakadetine sa Valenzuela City Detention Cell matapos kasuhan ng physical injuries at alarm and scandal ang mga suspek na sina Christian Tequirme, 21-anyos; Jovy Tormado, 29, at Danilo Blas Jr., 25, mga residente ng No. 6150 Sitio Kabatuhan, Barangay Gen. T. De Leon, ng nasabing lungsod.

Iika-ika at namamaga ang kanang paa ng biktimang si Felicisima Ocampo, 78-anyos, naninirahan sa Lot 17, Block 2, Sitio Kabatuhan, Barangay Gen. T. De Leon, Valenzuela City matapos tamaan ng bote at bato.

Ayon sa imbestigasyon, bandang alas-10:15 ng gabi, naglalakad ang biktima upang dumalo sa handaan sa kanyang apo na ilang bahay ­lamang ang layo sa kanyang tirahan.

Nadaanan niya ang tatlong suspek na nag-iinuman sa gilid ng kalsada at sa hindi malamang dahilan ay binalibag siya ng bote ng alak at bato.

Tinamaan sa kaliwang paa at hita ang matandang babae dahilan para matumba ito sa semento.

Nakita ng mga naroroon ang pangyayari kaya tumawag sa Police Community Precinct (PCP) 2, na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek.