Abante Tonite Interactive

Lolo na nakalaya sa GCTA, balik-bilibid

230

Makaraan ang kulang-kulang na isang taong kalayaan, namimiligrong mapabalik sa bilibid ang isang 78-anyos na lolo na nakalaya sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Kusang loob na sumuko noong Huwebes nang hapon sa Magdalena police station sa Laguna ang convicted na si Jose Mendoza y Coza, tindero ng prutas at residente ng Brgy. Ibabang Butnong, Magdalena.

Nasintensyahan ito ng habambuhay na pagkabilanggo noong Setyembre 24, 2012 dahil sa kasong rape at nakulong sa New Bilibid Prison.

Makaraang magbuno ng anim na taon sa loob, nakalaya ito noong ­Oktubre 22, 2018 makaraang maging kuwalipikado sa GCTA.

Pero ayon kay Mendoza o Lolo Ute, nalulungkot ito dahil ang pag-aakala niya ay tuloy-tuloy na niyang makakasama ang kanyang pamilya sa aniya ay mga huling taon na nalalabi sa kanyang buhay.

Pinagsisihan na rin umano niya ng lubos ang kanyang nagawang krimen at nagpakabuti siya sa loob ng kulungan upang mabigyan pa nga umano siya ng isang pagkakataon na magbagong buhay. (Ronilo Dagos)