Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Loren nagpasalamat sa mga supporter, Antiqueños

0 40

Nagpasalamat si incoming senator Loren Legarda sa lahat Pilipino at mga kababayan niya sa Antique na sumuporta sa kanyang matagumpay na pagbabalik sa Senado.

Ayon kay Legarda, inaalay niya ang napipintong panalo sa halalan sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mga mahihirap, na nangangarap nang mas maginhawa at payapang buhay at kinabukasan para sa kanilang mga pamilya at anak.

“Makakaasa po kayong pagbubutihin ko pang lalo ang serbisyo at pagsusulong ng mga makabuluhang batas upang tugunan ang mabibigat na suliranin ng bansa. Masusulit at hinding-hindi po masasayang ang inyong tiwala,” ani Legarda.

Kasalukuyang nasa ikalawang puwesto sa mga nangungunang senador si Legarda batay sa paunang tabulasyon mula sa transparency server ng Commission on Elections. Maaala na dalawang ulit siyang naging topnotcher sa senatorial elections noong 1998 at 2017 election, at pangalawa naman noong 2013.

Labis ang pasasalamat niya sa mga kababayang Antiqueño na umano’y kanyang inspirasyon upang muling tumakbo bilang senador matapos ang tatlong taong paninilbihan bilang kinatawan ng lalawigan sa Kongreso.

“Kung nagawa po nating maibangon at paunlarin ang isang probinsyang salat at matagal na napag-iwanan sa loob lamang ng tatlong taon, kayang-kaya din nating gawin ito sa ibang probinsya sa ating bansa,” ani Legarda.

Leave A Reply

Your email address will not be published.