Abante Tonite Interactive

Lorenzana, Panelo magkasalungat sa VFA notice of termination

345

Ipinahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi umano totoo ang kumakalat na balita na inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro ‘Teddyboy’ Locsin Jr. para ibi­gay na sa Amerika ang notice of termination sa Visiting Forces Agreement (VFA).

“This is fake news. Sec Locsin has not been the order yet”, pahayag ni Lorenzana sa Viber group ng Defense Press Corps matapos hingan ng reaksyon hinggil sa nasabing isyu.

Dagdag pa ni Lorenzana na wala pang opisyal na kautusan si Pangulong Duterte na nagbibigay ng go signal kay Locsin para ipadala ang notice of termination ng VFA sa pamahalaan ng Estados Unidos.

“Yes, according to Sec Medialdea! None, wala nga”, pahayag ni Lorenzana sa pangungulit ng mga Defense reporter.

Sa kasalukuyan, ayon kay Lorenzana ay sumasailalim pa sa ‘low level review’ ng pamahalaan at ng mga opisyal ng Estados Unidos ang Mutual Defense Treaty (MDT) upang kanselahin ang nasabing defense agreement.

Ayon pa kay Lorenzana, nagsasagawa pa ng assessment sa posibleng epekto ng pagbabasura sa VFA, Enhanced Defense Cooperation Agreement at Mutual Defense Treaty.

Samantala, pinanindigan ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang pahayag na may utos na ang Pangulo para ipaabot sa Amerika ang pagkansela ng gobyerno sa VFA.

Taliwas ito sa pahayag ni Lorenzana na fake news ang ulat na may direktiba na ang Pangulo para abisuhan ang Amerika.

Batay sa inihayag ni Panelo nitong Biyernes nang gabi, aatasan aniya ng Pangulo si Executive Secretary Salvador Medialdea para sabihin kay Locsin na ipaalam na sa gobyerno ng Amerika ang pagkansela sa VFA.

Batay sa paliwanag ni Panelo nitong Sabado, walang mali sa kanyang inihayag at marahil hindi pa aniya naibigay ni Pangulong Duterte ang utos nito kay Medialdea.

Iginiit ng kalihim na inihayag lamang nito kung ano ang sinabi ng Pangulo sa kanilang naging pag-uusap. (Edwin Balasa/Aileen Taliping)