Abante Tonite Interactive

Lori Loughlin nagpiyansa ng $1M sa College Cheating Scam

261

Nakalabas na ang Full House aktres na si Lori Loughlin matapos makapagpiyansa ng $1 million noong Miyerkoles.

Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa Los Angeles dahil sa pagkakasangkot sa College Cheating Scam. Kasama niyang humarap sa korte ang asawang designer na si Mossimo Giannulli at Desperate Housewives star Felicity Huffman.

Hindi nakasama sa pag-aresto si Loughlin dahil kasalukuyang out of the country ito. Kinontak siya ng federal authorities na bumalik sa US para harapin ang kaso.

Base sa mga awtoridad ay nagbayad umano si Loughlin at asawa nito ng aabot sa $500,000 na suhol para makapasok ang dalawang anak nilang babae sa University of Southern California (USC) bilang pekeng rowing-team recruits.

Kasama ang dalawang Hollywood actresses sa tinatawag na “conspiracy to commit mail fraud and honest services mail fraud.”

Ang naturang scheme, ayon sa FBI, ay para ma-admit ang kanilang mga anak sa elite colleges tulad ng Georgetown, UCLA, USC, Stanford, University of San Diego, University of Texas at Austin, Wake Forest and Yale. Kabilang sila sa 50 katao na kinasuhan dahil sa panunuhol sa mga unibersidad para makapag-aral ang kanilang mga anak.

Ang mga inakusahang magulang ay nagbayad ng hanggang $6.5 million para dayain ang college entrance ng kanilang anak ganun din ang pagsuhol sa mga sikat na coaches para pekehin ang mga athletic scholarship sa mga non-athletic students.

Tulad ni Giannulli, na pansamantalang nakalabas na matapos magba­yad ng $1 million bail noong Martes, inilagak ni Loughlin ang kanyang bahay bilang collateral para sa kabuuang halaga ng piyansa. Ang paglalakbay ng 54 na taong gulang na aktres ay pinaghihigpitan sa Estados Unidos at Canada, habang ginagawa niya ang Garage Sale Mystery para sa Hallmark, sa Vancouver.