Abante Tonite Interactive

Lotlot, win na win sa WorldFest Houston

By
Lotlot wins again
8

HINDI LOTLOT (o talunan) si Lotlot de Leon sa 2017 Houston International Filmfest kundi WIN na WIN siya sa pagka-Best Supporting Actress para sa indie film na 1st Sem.
Kasama sa mga kinabog ni Lotlot sa nasabing kategorya ang Pinay na si Sue Prado (na nominado para sa indie film na Area) at tatlo pang banyagang aktres.

Bale pangalawang international award ito ni Balot matapos siyang gawaran ng Best Actress award ng 2017 All Lights India International Film Festival sa Hyderabad, India.

Mga pi­ling indie films mula sa iba’t ibang bansa ang magkakatunggali sa 50th Annual International Independent Film Festival o WorldFest Houston.

Nagwagi rin ng Gold Remi Award ang 1st Sem sa ‘Coming of Age’ Theatrical Feature Film cate­gory.

Baguhang bagets ang bida ng 1st Sem na si Darwin Yu at baguhan din ang dalawang direktor nito na sina Allan Ibanez at Dexter Hemedez.

Nabigong masungkit ni Ai Ai de las Alas (para sa Area) ang Best Actress award.

Ang nagwagi ay si Yang Mi ng China para sa sc-fi, action-adventure na Reset na si Jackie Chan ang executive producer.

Napakarami raw alalay at bodyguards ng Chinese actress na si Yang, sabi ng kaibi­gang Rommel Gonzales na kasama sa grupo ni Lotlot sa Houston, Texas.

May magandang maikukuwento si Balot pagbisita niya sa American father niya sa Florida at siguradong lalo itong mapa-proud sa kanya.