Abante Tonite Interactive

Louise ayaw magpakama

498

Ayaw nang sumabak ng aktres na si Louise delos Reyes sa mga daring scene. Hindi kaya na-trauma siya sa bed scene nila ni Xian Lim sa pelikula nilang “Hanggang Kailan”?

Binunyag ito ng aktres sa press conference ng bago niyang pelikula na “My Bakit List”. Tatanggihan umano niya ang direktor kung sakaling magkakaroon ng bed scene sa bago niyang pelikula.

Ani Louise, “Kasi sabi ko kay Direk, after ng ‘Hanggang Kailan’ sabi ko parang ‘di ko muna kaya. Parang natodo ko na ata du’n.”

Mabuti na lamang at hindi na kailangan sa istorya na muli na namang magpakita ng balat ang aktres.

Ipinaliwanag naman ni Louise na ayaw niyang magkaroon ng imaheng “hubadera”.

Sey niya, “Kasi kahit dati naman ano eh, parang never ko pa rin siyang ginawa. I think … ako sa sarili ko desisyon ko ‘yun kasi meron tayong gustong path outside showbiz na alam mo ‘yun … ayokong magkaroon ng name o madumihan.”

Malaking factor din kaya ayaw niya sa nga bed scene ay dahil mayroon siyang kapatid na mga lalaki.

Paliwanag pa niya, “Tsaka mayroon din akong kapatid na lalaki. Kaya din never akong nag-say yes sa mga men’s magazine before kasi ayokong aasarin sila dahil sa trabaho ko.”

Samantala, panibagong Louise ang makikita sa bago niyang pelikula. Siya ay gaganap bilang “Dess” na puno ng katanungan sa buhay. Makakapareha niya sa unang pagkakataon ang international actor na si Ivan Padilla.

Ang pelikulang “My Bakit List” ay showing na sa lahat ng sinehan sa darating na December 11. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Bona Fajardo mula sa Viva Films at BluArt Productions. (Rona Ronda)