Abante Tonite Interactive

Lover ng preso ni-rape sa Patrol car

By
0 2,931

Isang panibagong kaso ng palit-puri scam ang sumabog sa Phi­lippine National Police (PNP) makaraang ireklamo ang dalawang bagitong pulis sa Quezon City ng panggagahasa sa isang babae na kanilang inaresto sa kasong illegal gambling kapalit ng pagpapalaya dito.

Iniharap kahapon sa tanggapan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina PO1 Jayson Portugues at PO1 Severiano Montalban III, pawang nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD)-Station 4 sa Novaliches.

“The timing of this incident comes at the worst time. As police critics are still hitting the organization for the recent rape incident involving another policeman whom we arrested, this one now comes as if to confirm what some critics are saying. I encourage more victims of police abuse to come,” pahayag ni Eleazar.

Una nang inihayag ni PNP Director Gene­ral Oscar Albayalde na “isolated case” ang insidente ng panggagahasa ng isang bagitong pulis-Maynila na si PO1 Eduardo Valencia sa isang 15-anyos na dalagita kapalit ng paglaya ng mga magulang nito na inaresto sa droga.

Base sa ulat, dakong alas-dos ng umaga nang arestuhin ng pinagsanib na puwersa ng Regional Women and ­Children Protection Desk ­(RWCPD) at Regional Special Operations Unit ng NCRPO ang dala­wang pulis sa presinto kung saan sila nakatalaga.

Sa reklamo ng 22-anyos na biktima, dakong alas-sais ng gabi noong Nobyembre 2 nang dalawin niya ang kinakasamang si John Kenneth Carillo na naaresto ng mga tauhan ng nasabing presinto dahil sa iligal na sugal.

Pagkatapos ay nagtungo ang biktima sa Plaza Nova para bisitahin ang mga kaibigan pero makalipas ang ilang oras ay dumating sa lugar ang mga operatiba ng Tactical Motorcycle Riders at Mobile Patrol Unit ng QCPD-Station 4 kasama ang dalawang suspek.

Inaresto ang biktima at lima pang babae dahil sa paglabag umano sa Presidential Decree No. 1602 o illegal gambling at dinala sila sa Quezon City General Hospital para sa medical examination.

Nakiusap umano ang biktima sa mga suspek na palayain siya dahil naaresto na ang kanyang kinakasama sa kasong illegal gambling.

Pero sinabihan umano siya ni PO1 Montalban na palalayain kung makikipagtalik sa kanya.

Dakong ala-una ng madaling-araw noong Nobyembre 3, dinala ng mga suspek ang biktima sa isang madilim na bahagi ng Quezon City General Hospital at doon umano naganap ang kanilang pagtatalik sa loob ng mobile patrol.

Pagkatapos ay ipinasa ang biktima kay PO1 Portugues pero hindi umano ito nakipagtalik sa kanya sa halip ay inutusan nito ang babae na gumawa ng sexual acts sa kanya.

Positibong itinuro ng biktima ang dalawang bagitong pulis nang isalang sa police lineup.

Hindi naman nagbigay ng anumang paha­yag ang dalawang pulis nang iharap ni Eleazar sa mga mamamahayag.

Sasampahan ang da­lawang pulis ng kasong paglabag sa Republic Act No. 8353 o The Anti-Rape Law of 1997 at ­administratibo. ­