Abante Tonite Interactive

Lovers’ Quarrel nagwakas sa kamatayan

By
2,580

Kalunos-lunos na kamatayan ang hinantu­ngan ng pakikipag-away ng isang security guard sa kanyang kasintahan matapos na tumalon ito mula sa 19th floor ng gusali ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa ­Malate, Maynila kamakalawa ng gabi.

Namatay noon din si John Cyrus Mamburam, tubong-Forest View Village, Davao City, matapos bumagsak sa konkretong bubong sa ikalawang palapag ng gusali ng BSP na matatagpuan sa A. Mabini St. corner P. Ocampo St., Malate.

Napag-alaman mula sa imbestigasyon ni SPO1 Jefrey Laus ng Manila Police District-Homicide Section, nangyari ang trahedya dakong alas-sais ng gabi.

Nakarinig na lang umano ng malakas na kalabog ang 46-anyos na si William Pararun, driver, at nang usisain nito kung ano ang dahilan ay tumambad sa kanya ang kalunos-lunos na itsura ng biktima.

Ipinagbigay-alam niya agad ang insidente sa mga naka-duty na security guard ng BSP na siya namang nag-report nito sa himpilan ng pulisya.

Nagkalasog-lasog umano ang katawan ng biktima kung saan ay naputol pa ang isang kamay at hita nito at nagkalat din ang mga tumalsik na laman-loob.

Sa impormasyon na ibinigay sa pulisya ni Fernando Nicalay, deputy director for security ng BSP, bago umano nagpakamatay ang biktima ay nabatid problemado ito matapos na makipag-away sa kanyang kasintahan.

Hindi naman binanggit kung ano ang problema ng magkasintahan na humantong sa pagpapakamatay ni ­Mamburam.

Dinala ang bangkay nito sa Archangel Funeral para isailalim sa autopsy at safekeeping habang hinihintay ang kukuha sa kanyang mga kamag-anak.